Bilis ni Pacquiao tututukan ni Roach

MANILA, Philippines - Kung may bagay mang gustong tutukan si chief trainer Freddie Roach sa kanilang training camp ni Manny Pacquiao, ito ay ang ‘speed’ ng Filipino world eight-division champion.

Sinabi ni Roach sa pamamagitan ng kanyang Twitter account na inaasahan niyang tatakbuhan ng 39-anyos na si Juan Ma­nuel Marquez ang 33-anyos na si Pacquiao sa kanilang pang apat na paghaharap sa Disyembre 9 (Manila time) sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

Kaya naman nais ni Roach na sukulin ni Pacquiao si Marquez sa corner sa gabi ng kanilang laban.

“We know @JMMarquez_1 is going to run. The key to@MannyPacquiao winning will be speed and the ability to cut off the ring,” wika ni Roach sa kanyang Twitter matapos ang kanilang ensayo ni Pacquiao sa kanyang Wild Card Boxing Gym.

Ibinunyag ni Pacquiao na gumagamit sila ni Roach ng bagong estratehiya para talunin si Marquez.

“Hindi lang naman kasi kami magre-rely lang on strategies na gagamitin sa laban. Kailangan din matutuhan ang mga kilos to keep distance sa kalaban at makaiwas sa mga gagawin niya,” wika ni Pacquiao.

Haharapin ni Pacquiao (54-4-2, 38 KOs) si Marquez (54-6-0, 39 KOs) sa isang non-title, welterweight fight.  

Personal na pinanood kamakailan ni dating Mexican boxing great Mark Antonio Barrera, ngayon ay chief boxing correspondent ng Television Azteca, ang sparring session ni Pacquiao kina Mexican Ray Beltran at Russians Ruslan Provodnikov at Vladimir Saurhankan.

Hinangaan ng 38-an­yos na si Barrera, dalawang beses na tinalo ni Pacquiao, ang bilis at lakas ng Sarangani Congressman. 

 

Show comments