Gems nawalan ng kislap sa fruitas: Road Warriors balik sa liderato

Laro sa Lunes

(Arellano University Gym)

2 pm Informatics Icons vs Erase Xfoliant

4 pm Café France vs Cagayan Rising Sun

 

MANILA, Philippines - Muling lumabas ang bangis sa opensa ng NLEX Road Warriors upang ma­kasalo uli sa liderato ga­mit ang 88-73 panalo sa Boracay Rum sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Trinity College gym sa Quezon City.

May 21 puntos, 10 rebounds at 2 blocks si Ian Sangalang para pangunahan ang 11 manlalaro ng Road Warriors na umiskor sa laro.

Si Garvo Lanete ay may 11 puntos para sa tropa ni coach Boyet Fernandez na hindi naman nasiyahan sa ipinakitang depensa ng kanyang mga alagad.

“73 puntos ang ibinigay namin at hindi puwedeng ganito ang gagawin namin kung gusto naming manalo pa,” wika ni Fernandez.

Nalaglag ang Waves sa 0-3 karta at si Glenn Khobuntin ang nanguna sa koponan sa kanyang 17 marka.

Naisantabi naman ng Fruitas Shakers ang pagkawala ng 15 puntos na ka­lamangan sa ikatlong yugto upang mangibabaw sa Cebuana Lhuillier, 91-90, sa unang laro.

Sina Carlo Lastimosa at Rome dela Rosa ay nagsanib sa apat na puntos matapos ang huling tabla sa 87-all bago sinaksihan ang sablay na opensa ng Gems sa huling tagpo ng laro.

Si Rex Leynes ay nagmintis ng dalawang free throws sa 0.7 segundo habang ang follow-up ni June Dizon ay hindi na binilang upang malaglag ang Gems sa kanilang unang pagkatalo matapos ang dalawang laro.

May 30 puntos at 13 rebounds si Olaide Adeogun sa kanyang unang laro sa bagong koponan na nakabangon mula sa pagkakabawi sa 88-82 panalo sa Café France sa unang laro dahil sa paggamit ng illegal player.

Show comments