DAPITAN CITY, Philippines --Kaagad na humataw ng panalo ang host province nang manaig sina Jason Saavedra at Jelza Maey Amores sa lawn tennis singles event sa paghataw ng Philippine Olympic Committee-Philippine Sports Commission Batang Pinoy 2012 Mindanao leg.
Pinayukod ni Saavedra si Steve Centennial Maghanoy ng Zamboanga, Sibugay, 8-3, upang makaabante sa second round ng boys singles.
Sumikwat si Saavedra, isang Grade 7 student sa Dapitan City National High School, ng silver medal sa boys elementary doubles sa nakaraang 2012 Palarong Pambansa.
Maglalaro naman sa semifinal round si Amores, kumuha ng bye sa first round, matapos igupo si Kyla Kiezl Diaz ng Zamboanga City, 8-4, sa girls singles competition.
Sasagupain ni Amores sa semis si Diadem Sasota ng Cotabato, nagposte ng 8-3 panalo kontra kay Franchette Faye Helar ng Zamboanga, Sibugay.
Makikita din sa semis sa girls singles sina Alliah Elline Ragunton ng Cotabato na gumiba kay top seed Mary Rose Bael ng Dapitan City, 8-1, para makaharap niya si Rosuel Anne Binondo ng Davao del Norte na nagpatalsik kay Jed Vallie Rayne Aquino ng Davao del Norte, 8-6.
Nasibak naman ang mga kakampi nina Saavedra at Amores na sina Rolly Elopre, Jerry Bagabuyo at Arnelo Gallemit sa kani-kanilang mga laro sa first round nang matalo kina Paul Chyrel Dandado ng Siocon (8-2), Jeff Balatero ng Tangub City (8-2) at Junel Canal ng Agusan del Sur (8-0), ayon sa pagkakasunod.
Sa badminton, pumasok sa second round si Art Villanueva ng Zamboanga, 21-11, 21-17 tagumpay laban kay Dapitan City bet Paul Tacbayan.
Nakatakdang buksan ngayong araw ang mga labanan sa swimming competitions at field events sa athletics.