Arespacochaga wala pang sagot sa Ateneo, Compton kandidato rin

MANILA, Philippines - Ang kawalan ng pagtu­gon kung nais ba uli ni San­dy Arespacochaga na maupo bilang head coach ng Ate­neo ang nagtutulak sa pamunuan ng paaralan na maghanap pa ng ibang puwedeng ipalit sa nagbitiw na si coach Norman Black.

Mabigat na responsibilidad ang nakaatang sa mapipiling coach ng Blue Eagles dahil bukod sa hanap ng paaralan na mapalawig sa anim ang dominasyon sa UAAP, gagawin nila ito ng wala ang mga mahuhusay na sina Greg Slaughter, Nico Salva at Justin Chua na nagtapos na ng kanilang pag-aaral.

Si Arespacochaga na naupo bilang coach ng koponan noong 2004, ang siyang pinaka-popular na kandidato ayon kay Ateneo board representative Ricky Palou.

Siya nga ang pinagdiskarte sa Eagles sa paglahok sa University Games sa Bacolod City pero natalo sila sa semifinals sa UE, 68-65, para mabigong pumasok sa championship round.

Si Sandy na ngayon ay assistant pa rin ni Black sa Talk N’Text sa PBA, ay nagsabi na hindi pa siya nakakapagdesisyon kung tatanggapin ba o hindi ang alok.

Isa pang dating assistant ni Black na si Jamike Jamarin ay pinag-iisipan din bukod pa sa dating kila­lang scorer na ngayon ay nagpapatakbo ng National Basketball Training Center kasama ni Eric Altamirano na si Alex Compton.

Si Compton ay galing labas at bagama’t may karanasan na siya sa pagko-coach matapos maupo bilang assistant sa Welcoat Paints at Powerade sa PBA, baguhan naman siya kung paghawak sa collegiate team ang pag-uusapan.

Nakipag-usap na uma­no si Compton sa pamunuan ng Ateneo upang malagay bilang kandidato sa puwesto.

Show comments