Tiwalang mananalo kina Pacman at Donaire Juan Ma, Arce nais ng heroes welcome

MANILA, Philippines - Umaasa sina Juan Ma­nuel Marquez at Jorge Arce na bago matapos ang 2012 ay ipagbubunyi sila ng buong Mexico dahil sa panalo laban kina Manny Pacquiao at Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr.

Magiging makasaysayan din ito dahil si Mexican trainer Ignacio ‘Nacho’ Beristain ang magsasanay kina Marquez at Arce.

“This speaks volume that it’s a good moment in time for Mexican boxing, and that’s why I can’t waste this moment on the 8th and neither can Arce on the 25th,” wika ni Marquez sa panayam ng BoxingScene.com.

Lalabanan ng 39-anyos na si Marquez (54-6-1, 39 KOs) ang 33-anyos na si Pacquiao (54-4-2, 38 KOs) sa ikaapat na pagkakataon sa isang non-title, welterweight fight sa Disyembre 8 sa MGM Grand sa Las Ve­gas, Nevada.

Tinalo ni Pacquiao si Marquez via majority deci­sion sa kanilang pa­ngatlong pagkikita noong Nobyembre ng 2011.

Hahamunin naman ng 33-anyos na si Arce (61-6-2, 46 KOs) ang 29-anyos at unified world super bantamweight champion na si Donaire (30-1-0, 19 KOs) sa Disyembre 15 sa Toyota Center sa Houston, Texas.

“Can you imagine that if on December 8th Marquez beats Manny Pacquiao with Beristain in his corner,  and then on December 15th I beat Donaire with Don Nacho Beristain in my corner--it would be something historical,” ani Arce.

Idinagdag pa ni Arce na anuman ang mangyari sa kanilang laban ni Donaire ay tuluyan na siyang magreretiro.

“Retirement is close. If I lose with Donaire I will retire but I am going out knowing that I lost against the best. But what if I win? I could go out as the best,” sabi ni Arce.

Kung pumayag lamang si Arce sa makukuha niyang premyo ay nangyari na ang kanilang upakan ni Donaire noong Oktubre sa Home Depot Center sa California sa halip na si Japa­nese superstar Toshiaki ‘Speed King’ Nishioka.

Inangkin ni Donaire ang WBO 122-pound crown via split decision win kontra kay Wifredo Vazquez Jr. noong Pebrero bago tinanggalan ng IBF belt si Jeffrey Mathebula noong Hulyo.

Show comments