ATLANTA--Nagpapanalo ang Houston Rockets kung saan naglalaro ang bagong hugot na si James Harden bilang isang bagong franchise player, habang nanamlay naman ang Atlanta Hawks sa pagkawala ng kanilang longtime franchise player.
Umiskor si Harden ng career-high 45 points para tulungan ang Rockets sa 109-102 paggupo laban sa Hawks.
“He’s pretty good, I’d say,’’ sabi ni Rockets coach Kevin McHale kay Harden na nakuha nila mula sa Oklahoma City Thunder.
Nagdagdag naman si Jeremy Lin ng 21 points, 10 rebounds at 7 assists para sa Houston, habang may 17 markers si Marcus Morris at humakot si center Omer Asik ng career-high 19 rebounds.
Pinangunahan ni Lou Williams ang Hawks mula sa kanyang 22 points kasunod ang 18 markers ni Josh Smith na kumolekta din ng 10 rebounds.
Nagtala si Williams ng average na career-high 14.9 points per game habang naglalaro para sa Philadelphia 76ers sa nakaraang season kung saan siya tinalo ni Harden para sa NBA Sixth Man of the Year Award.
Sa iba pang laro, tinalo ng New York ang Miami, 104-84; binigo ng Los Angeles Clippers ang L.A. Lakers, 105-95; tinakasan ng Charlotte ang Indiana, 90-89; iginupo ng Chicago ang Cleveland, 115-86; pinatumba ng Oklahoma City ang Portland, 106-92; pinahiya ng Orlando ang Denver, 102-89; ginitla ng Milwaukee ang Boston, 99-88; tinakasan ng New Orleans ang Utah, 88-86; ginulat ng Minnesota ang Sacramento, 92-80; pinatid ng Phoenix ang Detroit, 92-89; at sinibak ng Memphis ang Golden State, 104-94.