Thai boxer pinagretiro ni Migreno
MANILA, Philippines - Mas marami ang talo sa panalo sa karta ni Rey Migreno pero hindi ito mangangahulugan na hindi siya matatandaan sa larangan ng professional boxing.
Ang 26-anyos na tubong Misamis Oriental, ang siyang makakakuha ng taguri na siyang nagparetiro sa dating tinitingalang Thai boxer na si Pongsaklek Wonjongkam nang patikimin niya ito ng third round technical knockout pagkatalo sa Araw ng mga Patay (Nobyembre 1) sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Ginamit ni Migreno ang husay sa pag-ilag at dinikitan si Pongsaklek para saktan gamit ang mga maiigsi pero may puwersang suntok. Sa ikatlong round ay bumulagta si Pongsaklek sa isang right hook. Bumangon pa ang Thai boxer pero inatake uli siya ng Filipino challenger para muling tumumba.
Naawa na marahil ang kababayang referee na si Noppharat Sricharoen sa dating bayani sa boxing ng kanyang bansa at itinigil na ang laban sa 2:06 ng round.
Idinepensa ni Pongsaklek sa unang pagkakataon ang hawak na WBC international flyweight title sa nasabing laban.
Si Pongsaklek ang dating hari sa WBC flyweight title at kinilala bilang number four sa pound for pound list.
Pero nawala siya sa talaan nang makatikim ng 6th round TKO pagkatalo sa isa pang Pinoy na si Sonny Boy Jaro noong Marso 23 sa Bangkok.
Ito lamang ang ikalimang talo sa 94 laban ni Pongsaklek habang ika-18 panalo sa 41 laban lamang ang nakuha ni Migreno.
Ngunit mailalagay siya sa kasaysayan dahil ang pagkatalong tinamo ng Thai boxer ang nagresulta upang tuluyang ianunsyo nito ang pagreretiro sa ring.
- Latest