MANILA, Philippines - Naramdaman agad ng Team Philippines ang pagbabantay sa kanila ng mga makakalabang bansa matapos tumapak sa bagong Taipei Gymnasium sa Chinese-Taipei na siyang pagdarausan ng 17th Asia Masters Athletic Championships hanggang Nobyembre 7.
Sa opening ceremony kahapon na dinaluhan ng 2000 manlalaro mula sa 24 bansa ay nagtulong sina Elma Muros-Posadas at Erlinda Lavandia sa pagdadala ng bandila ng Pilipinas at hindi naitago ang tila pagkabigla at halong saya dahil makakatunggali nila ang dalawa sa pinagpipitaganang manlalaro na nakita sa SEAG.
Sina Muros-Posadas at Lavandia ay mga nanalo na rin ng ginto hindi lamang sa Asia Masters kundi sa World Masters din.
Noong 2010 sa Malaysia ay kumabig ang Pilipinas ng 5 ginto at tatlo rito ay galing kay Lavandia habang ang dalawa ay naiuwi nina Emerson Obiena at Tony Chee sa larong pole vault.
Sina Obiena at Chee ay inaasahang magdadagdag ng ginto sa kampanya ng bansa sa nasabing meet.
Ang iba pang manlalaro ng bansa na kuminang sa SEA Games na nasa delegasyon ay sina Lerma Bulauitan-Gabito, John Lozada, Darry Jarin at Elenita Punelas.
Ang mga mananalo ng ginto ay papasok sa 2013 World Masters sa Brazil.