MANILA, Philippines - Lumabas si Bianca Carlos bilang natatanging badminton player na nanalo ng tatlong titulo sa idinaos na MVP Sports Foundation-Philippine Badminton Ranking System (PbaRS) Makati Leg sa Makati Coliseum.
Noong Miyerkules natapos ang aksyon at humabol pa ng dalawang titulo si Carlos matapos dominahin ang women’s Open division.
Tinalo ni Carlos si Amabel Sumabat, 9-12, 21-5, 21-9, para angkinin ang girls’ U-19 title bago nakipagtulungan kay Justin Natividad na hiniya sina Paul Pantig at Eloise Dionisio para sa U-19 mixed doubles crown.
Si Gelita Castilo na siyang tinalo ni Carlos sa Open ay nanalo ng dalawang titulo sa doubles sa open at U-19 category.
Katambal ni Castilo si Dia Nicole Magno at hiniya nila sina Danica Bolos at Reyne Calimlim, 21-13, 13-21, 12-13, sa Open bago isinunod sina Jessie Francisco at Eleanor Inlayo, 21-14, 21-11, sa U-19.
Inorganisa ang limang araw na torneong ito ng Philippine Badminton Association na pinangungunahan ng pangulo at Vice President ng bansa Jejomar Binay kasama sina chairman Manny V. Pangilinan at Rep. Albee Benitez bilang sec-gen ng asosasyon.
Ang iba pang nanalo sa palarong suportado rin ng Victor PCOME Industrial Sales Inc. na siyang namamahagi ng Victor equipment ay sina Ronel Estanislao at Paul Vivas sa men’s Open doubles; Melvin Llanes at Bolos sa Open mixed doubles; Elijah Boac at JC Clarito sa boys’ U-19 doubles; Christian Bernardo at Chanelle Lunod sa U-15 mixed doubles; Jessie Francisco at Inlayo sa girls’ doubles at Bernardo at John Bernardo sa U-15 boys’ doubles.
Si Toby Gadi ang kampeon sa men’s Open singles sa ikaanim na sunod na pagkakataon at tulad ni Carlos ay kumulekta ng P70,000.00 bilang kanilang premyo.