Natatandaan ninyo ba noong mga bata tayo na ang panakot ng mga matatanda kapag sinasaway nila tayo o kaya para tumigil sa kaguluhan ay ang salitang “multo”. Tayo naman dahil mga bata, titigil tayo pero nandoon ang takot sa ating mga isip dahil baka nga may multo.
Pero, sa sports at kay Peping Cojuangco, hindi multo ang salitang panakot, kundi, Go Teng Kok. Alam naman ng lahat na matagal nang may iringan sina Go at Cojuangco. Marami nang isiniwalat si Go, isa na rito ay ang maling pagpapatakbo ni Cojuangco sa POC. Kaya hindi tayo magtataka na kung hindi man natatakot, ay naliligalig si Cojuangco kay GTK.
Hindi ba’t inakusahan pa nga ni Go si Cojuangco na kaya lamang nasa POC ay dahil na rin sa paggamit ng pangalan ng kanyang pamangkin na si Pangulong Benigno Aquino III.
Kilala kasi si GTK na palaban at walang inuurungan. Napakahabang taon na niya bilang presidente sa Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA), at marahil nga, pagkatapos na mag-withdraw si Manny Pangilinan, si Go ang pinakamalakas na karibal ni Cojuangco.
Ito ay lalo pang pinaigting ng pagkakadeklara ng apirmasyon ng Supreme Court sa desisyon ng lower court na idismiss o balewalain ang unanimous resolution ng POC general assembly na nagdedeklara sa athletics chief na persona non grata.
Ibig sabihin, may karapatan si Go na makisali at makihalo sa mga aktibidad ng POC general assembly dahil siya ay bonafide na miyembro nito. Noong naka- raang taon ay idineklara ng POC General assembly na persona non grata si Go matapos ang maanghang na salita na binitawan sa ilang POC officials.
Iniakyat ni Go ang kanyang kaso sa Regional Trial Court sa Pasig na nagdeklara naman na ang resolusyon ay illegal. Iniakyat ng POC ang kaso sa Supreme Court na nagdesisyon naman na katigan ang nauna nang desisyon ng RTC.
Hanggang ngayon ay hindi pa nagdedesisyon ang POC Commission on Elections na pinamumunuan ni dating congressman Victorico Chaves kung maaari na ngang tumakbo sa eleksyon sa Nobyembre 30 sa Alabang Golf and Country Club si Go.
Pero anuman ang magiging desisyon siguradong maliligalig si Cojungaco sa mga kahindik-hindik na gagawin ni Go na tiyak na may mga isisiwalat pa na kababalaghan sa POC.
Hindi naman makapagkomento ang POC dahil habang isinusulat ito ay wala pa rin daw silang kopya ng desisyon ng Supreme Court.
Si Cojuangco ay noon pa naghahanda sa eleksyon kaya’t kung mananalo si Go, isang malaking upset ito sa larangan ng POC. Nakakasiguro naman si Go nang tulong mula sa kanyang mga ka-tiket na sina handball secretary general Manny Lopez, weightlifting president Monico Puentevella, cycling association head Bambol Tolentino, Romeo Ribano ng squash at Godofredo Galindez ng golf.
Kasama ni Cojuangco sa tiket sina POC spokesperson Joey Romasanta, Tom Carrasco ng triathlon, Jeff Tamayo ng soft tennis, Julian Camacho ng wushu at Prospero Pichay ng chess.