MANILA, Philippines - Hanggang rekomendasyon lamang ang magiging papel sa Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) ni Irish boxing consultant Kevin Smith.
Si Smith na may 20- taong karanasan bilang coach ng Scotland team ay kinuha para tulungan ang ABAP sa pagbuo ng programang makakatulong para muling kuminang ang Pambansang boksingero sa malalaking torneo.
Ayon kay ABAP executive director Ed Picson na dumalo sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kahapon, hindi tuturuan ni Smith na mag-coach ang mga national mentors dahil kuntento ang NSA sa kakayahan ng mga ito na hawakan ang Pambansang koponan.
Pero si Smith ang tutulong sa paghahanap sa mga kakulangan sa ipaiiral na programa sa susunod na taon.
“He’s not here to teach us but he’s here to observe, analyze and assess our training methods. Hindi na bago ito dahil mayroon na rin tayong kinuhang mga dating foreign consultants,” wika ni Picson.
Nakasama sa Forum si Smith bukod pa ng mga national coach Roel Velasco at Ronald Chavez at mismong ang 48-anyos na dayuhan ay naniniwala sa kakayahan ng Filipino boxers na makasabay sa mga bigating katunggali.
“It’s obvious they have the natural talent and have good reflexes. I’ve seen a lot of promising boxers in the seniors, juniors and women,” wika ni Smith.
Dalawang linggo pa lamang si Smith sa Pilipinas pero nalibot na niya ang training sites sa Baguio City at sa ABAP Gym sa Rizal Memorial Sports Complex.
Nakasama rin siya sa Bago City para sa Visayas elimination at makakasama uli sa General Santos City para sa Mindanao leg.
Sa susunod na taon pa bubuo ng national pool ang ABAP na kanilang isasabak sa mga torneo.