MANILA, Philippines - Isama na si Rowell Hulleza sa mga tatakbo sa Milo Marathon National Finals sa Disyembre.
Dinomina ng 23-anyos na si Hulleza ang men’s division sa Iloilo City regional qualiyfing race kahapon sa naitalang 1:15:56 oras sa 21-k karera.
Tinalo ni Hulleza sina Bennie Murillo at Jorge Sepida na may 1:16:38 at 1:22:24 tiyempo.
“Ngayong nakapasok na ako sa Finals, mag-iiba ako ng training at pagtutuunan ko na palakasin ang resistensya ko,” wika ng 23-anyos na si Hulleza na nag-uwi din ng P10,000.00 unang gantimpala.
Ang triathlete na si Alexandra Ganzon ang nanguna sa kababaihan sa kanyang 1:44:59.
Nasa ikalawang puwesto si Mellina Jane Jaroda (1:52:34) habang nasa ikatlong puwesto si Mary Antonette Nunez (1:57:45).
Hindi naman naabot ni Ganzon ang qualifying time pero masaya siya sa naipakita sa karera.
“I may have not qualified for this year’s finals, but the MILO Marathon has become the most memorable race I have joined yet. I am looking forward to next year’s qualifying leg where I plan to run as a stronger athlete,” wika ni Ganzon.
Ang sunod na regional qualifying ay sa General Santos City sa Nobyembre 4.