MANILA, Philippines - Nanggulat sina Mariya Sevilla ng MSI Jr. Team at Dennis Magpantay ng Escoses Training Center nang talunin ang mga mas pinaborang katunggali sa pagpapatuloy kahapon ng tagisan sa Under-19 division ng MVP Sports Foundation-Philippine Badminton Ranking System (PbaRS) Makati leg sa Powersmash sa Makati City.
Matapos ang 21-8, 21-11, panalo kay Samantha Santos, isinunod ni Sevilla si no. 7 Angelica Muyrong, 21-14, 21-17, para umabante sa third round laban kay Joyce Macawile ng Team SRBC sa girls’ division.
Bumangon naman si Magpantay mula sa pagkatalo sa first set tungo sa 16-21, 21-12, 25-23, panalo laban kay 5th seed Lorenzo Yason para pumasok sa fourth round sa kompetisyong suportado ng MVP Sports Foundation at inorganisa ng Philippine Badminton Association.
Ang top seed at nag- dedepensang kampeon sa kababaihan na si Bianca Carlos ng Golden Shuttle Foundation ay nanalo kay Paola Bernardo 21-11, 21-13, para maitakda ang pagkikita nila ni Mikaela Aquino na nanalo kay Ira Villanueva, 21-9, 21-9.
Nagsimula na rin ang aksyon sa men’s Open singles at ang five-leg champion Toby Gadi ng GSF ay umabante sa third round ng hindi man lamang napapalaban.
Nag-bye sa first round si Gadi bago nasundan ng walkover panalo kay Derek Bondoc.
Ang iba pang seeded players ay nanalo rin sa tagisang may ayuda rin ng PBA Partylist, Gatorade, Badminton Extreme Philippines Magazine, Victor PCome Industrial Sales Inc., Vineza Industrial Sales, Sincere, Krav Maga Philippines, TV5 at Enervon.
Si Paul Vivas na second seed ay nanalo kay Emmanuel Cabalfin, 21-10, 21-10; ang third seed na si Patrick Natividad ay nanaig kay Patrique Magnaye, 21-18, 21-15 at ang fourth seed na si Kevin Dalisay ay dinurog si Vincent Tan, 21-7, 21-5.