CALAPAN, Oriental Mindor , Philippines --Gumawa ng ingay sina swimmers Justine Ann Abastillas at Courtney Melissa Gray sa swimming pool, habang namayani naman ang Laguna sa karatedo at wrestling sa Southern Luzon leg ng Philippine Olympic Committee-Philippine Sports Commission Batang Pinoy Games.
Kinuha ni Abastillas, isang seventh grader mula sa St. Philomena School sa Lucena City, ang mga gintong medalya sa girls’ 12-under 50-meter backstroke at 50m freestyle.
Inangkin naman ng 15-anyos na si Gray ng Puerto Princesa City ang kanyang pang-limang ginto nang magdomina sa girls 13-15 800m freestyle.
Nauna nang nagbida si Abastillas sa 400m free, 100m free at 200m free, habang namayagpag si Gray sa 200m back, 400m individual medley, 200m free at 100m back.
Humakot naman ang Laguna ng 26 gold medals sa swimming at nagtakbo ng 31 sa athletics para humakot ng kabuuang 59 gold, 46 silver at 39 bronze medals ang nagdedepensang national champions.
Kumuha ang Laguna ng pitong gold medals sa karatedo kung saan may tatlo si Kimberly Karunungan at dalawa si Daniel Angelo Caunin.
Nagtala din ang Laguna ng tatlong gold sa wrestling sa pangunguna ni John Lester Rueda na nanalo sa boys’ 35kg greco roman.
Pinitas ni Karunungan ang mga ginto sa girls’ advanced kata (-50kg), kumite (-47kg) para igiya ang Laguna sa panalo sa team kata kasama sina Ilyanna Marcelo at Perlyn Viloria.