MANILA, Philippines - Ikinalungkot ni Filipino boxing champion Manny Pacquiao ang pagkamatay ni Hall of Fame boxing trainer Emanuel ‘Manny’ Steward.
Ipinaabot ng Sarangani Congressman ang kanyang pakikiramay sa pamilya ni Steward sa pamamagitan ng kanyang Twitter account.
“My prayers are with Emanuel Steward and his family,” wika ni Pacquiao sa kanyang Twitter account.
Kasalukuyang naghahanda si Pacquiao, nakatakdang magtungo sa United States ngayon para sa kanyang training camp sa Wild Card Boxing Gym ni chief trainer Freddie Roach, para sa kanilang pang-apat na paghaharap ni Juan Manuel Marquez sa Disyembre 8 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Naging malapit din si Pacquiao kay Steward, namatay sa edad na 68-anyos.
Sa paggiya ni Steward, naging isang world four-division champion si Thomas ‘Hitman’ Hearns noong 1980s.
Kamakailan ay sinanay naman ni Steward si heavyweight world champion Wladimir Klitschko bago huminto dahil sa karamdaman.
Nailuklok sa International Boxing Hall of Fame at sa World Boxing Hall of Fame, nagtrabaho din si Steward ng ilang taon sa commentary team ng HBO.
“There are no adequate words to describe the enormous degree of sadness and loss we feel at HBO Sports with the tragic passing of Manny Steward,” wika ni Ken Hershman, ang presidente ng HBO Sports, sa isang statement.