Laro Ngayon
(Smart Araneta Coliseum)
5:15 p.m. Alaska vs Air21
7:30 p.m. Petron Blaze
vs Globalport
MANILA, Philippines - Simula sa araw na ito ay wala nang bubulong sa tenga ni head coach Olsen Racela sa bench ng Petron Blaze.
Binawalan na ng San Miguel Corporation management si Serbian coach Rajko Toroman, humawak sa Smart Gilas Pilipinas 1.0 at kinuhang team consultant ng Boosters, na makialam sa diskarte ni Racela.
“As a coach, I don’t really have control over what management will do or say,” sabi ni Racela. “They’ve been there for a long time, so whatever they do, I’m sure they will do what’s for the best interest of the team.”
Inialok ng SMC kay Toroman, iginiya ang Iran sa gold medal sa 2007 FIBA-Asia Men’s Championships patungo sa paglalaro sa 2008 Olympic Games sa Beijing, China, ang team consultancy sa San Miguel Beermen sa Asean Basketball League (ABL).
Nakatakdang labanan ng Petron ang Globalport ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang laro ng Alaska at Air21 sa alas-5:15 ng hapon sa elimination round ng 2012-2013 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Nanggaling ang Petron sa malaking 98-95 panalo laban sa Barangay Ginebra San Miguel Gin Kings noong Oktubre 21.
Nagmula naman ang Batang Pier sa 83-94 pagkatalo sa Rain or Shine Elasto Painters noong Oktubre 20.
Tangan ng nagdedepensang Talk ‘N Text ang liderato mula sa kanilang 5-0 record kasunod ang Rain or Shine (4-1), Meralco (3-2), San Mig Coffee (2-2), Alaska (2-2), Barako Bull (2-3), Barangay Ginebra San Miguel (2-3), Petron (2-3), Globalport (1-4) at Air21 (1-4).
Sa unang laro, pakay naman ng Aces ang kanilang ikatlong sunod na panalo laban sa Express.
Sa 88-86 paggupo ng Alaska laban sa Petron noong Oktubre 19, kumolekta si No. 2 overall pick Calvin Abueva ng 12 points at 16 rebounds para sa kanyang debut game.