San Beda-Letran kapwa pupukpok para sa NCAA title :matira ang matibay

Laro Ngayon

(Smart Araneta Coliseum)

1 pm San Beda vs Letran

MANILA, Philippines - Lahat ng paghihirap na ginawa sa isang taon ay itataya ng San Beda at Letran sa larong ito.

Sa ganap na ala-1 ng hapon ay magku-krus sa huling pagkakataon ang Red Lions at Knights sa Smart Araneta Coliseum at ang mananaig ang siyang kikilalanin bilang kampeon sa 88th NCAA men’s basketball.

Ika-17 NCAA title din ang mapapasakamay ng mananalo kaya’t asahan na magiging mahigpitan at posibleng magkainitan ang dalawang koponan para makuha ang mahalagang panalo sa season.

“Wala na kaming mas­yadong preparasyon sa game kundi puro sa mental side na. Kung sino ang team na kayang hawakan ang pressure at determinadong manalo ang siyang makakakuha ng panalo,” wika ni Knights coach Louie Alas.

Maaaring makapag-coach si Alas matapos tanggapin ng Management Committee ang written apo­logy na ipinadala ni Alas bilang paghingi ng paumanhin sa ‘slit-throat’ na ginawa sa Game Two na kanilang napanalunan, 64-55.

Ang batang si Kevin Alas ang siyang aasahan para sa mahalagang lide­rato pero sasandalan din ng koponan ang suporta mula sa ibang kasamahan tulad nina Mark Cruz, Kevin Racal at Jam Cortes.

Sa kabilang banda, ang pagkumpleto sa ikalawang 3-peat sa huling pitong taon sa liga ang dagdag inspirasyon din para sa tropa ni coach Ronnie Magsanoc.

Si Olaide Adeogun ang mangunguna sa koponan pero dapat na maging of­fensive-minded din ang ibang kasamahan sa pa­ngunguna ng point-guard na si Baser Amer at team skipper Jake Pascual.

 

Show comments