MANILA, Philippines - May kabuuang 43 qualified voters sa Philippine Olympic Committee (POC) elections sa Nobyembre 30 at sinabi ni POC first vice president Manny Lopez, pipigilan ang hangad na pang apat na sunod na termino ni Jose Cojuangco, Jr. bilang POC president, na halos 25 dito ay gusto ng pagbabago sa liderato.
Hindi ibinunyag ni Lopez ang bumubuo sa tinatawag na ‘Group of 25’, ngunit hiniling ng mga kinatawan nitong magsumite si ABAP chairman at SBP president Manny V. Pangilinan ng kanyang kandidatura para sa POC presidency bago ang deadline sa Oktubre 26.
Sinabi ni Lopez na sa 43 voting NSAs, 12 ay kampi kay Cojuangco at ang anim ay wala pang desisyon kung kanino sasama.
Sa posibilidad na maaaring ma-disqualified si Pangilinan bilang kandidato dahil sa technicality, sinabi ni Lopez na ang final arbiter ng kuwalipikasyon ay ang POC General Assembly.
Sa ilalim ng Section 11, Article VII ng POC Constitution and By-Laws, ang chairman at president ng POC ay dapat may apat na taon na eksperyensa bilang NSA president ng isang Olympic sport at dapat na aktibong miyembro ng General Assembly sa dalawang magkasunod na taon bago ang POC election.
Si Pangilinan ay hindi dumadalo sa mga General Assembly meetings bagamat palagi siyang kinakatawan ng kanyang asosasyon.
Ayon kay Lopez, kahit na hindi nagpupunta si Pangilinan sa General Assembly meetings ay aktibong partisipante pa rin sya.
Kung hindi kakandidato si Pangilinan, maaari siyang maghirang ng lalaban kay Cojuangco.
Ito ay maaring si ABAP president at SBP vice chairman Ricky Vargas na ang lolo ay ang unang IOC member na si Jorge Vargas.