MANILA, Philippines - Dahil sa mabibigat na suntok ni Manny Pacquiao ay walang nagawa ang kanyang sparmate na si Rocky Marcial kundi ang sumuko sa kanilang sparring session sa General Santos City.
Nirapido ni Pacquiao ang welterweight na si Marcial, wala sa kondisyon at nagdadala ng 18-0 win-loss-draw ring record kasama ang 17 knockouts, kasunod ang pag-ayaw nito sa kanilang sparring.
Magtutungo sina Pacquiao at Filipino assistant trainer Buboy Fernandez sa United States sa Oktubre 27 para sa kanilang training camp ni chief trainer Freddie Roach sa Wild Card Boxing Gym sa Hollywood, California.
Bilang paghahanda kay Juan Manuel Marquez, muling kinuha ni Roach bilang sparring partners ni Pacquiao sina Ray Beltran at Russian boxer Ruslan Provodnikov.
Si Beltran ay isang counter-puncher na katulad ni Marquez, samantalang si Provodnikov ang tumulong kay Pacquiao sa paghahanda laban kay Timothy Bradley, Jr.
Samantala, kumuha si chief trainer Ignacio ‘Nacho’ Beristain ng apat na kaliweteng boksingero na gagaya sa istilo ni Pacquiao para makatulong sa preparasyon ni Marquez.
Ang dalawa sa apat na kinuhang sparring partners ni Beristain para kay Marquez ay sina Ramses Rodriguez at Daniel Santillo.
“Ramses Rodriguez and Daniel Santillo, they will put up with Juan’s punches for several days. Then two more left handed assistants will arrive to take over their job,” wika ni Beristain sa panayam ng notfight.com. kahapon.
Tiniyak ni Beristain na magiging mabigat ang pagsasanay ng 39-anyos na si Marquez para sa kanilang ikaapat na paghaharap ng 33-anyos na si Pacquiao sa Disyembre 8 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
“Juan and I met to outline the roadmap to follow,” wika ni Beristain. “We agreed that today we’ll begin the hard work for this fight. Today we will start boxing with sparring partners, and do a total of six rounds.”