Pacquiao sumalang na sa sparring laban kay Marcial

MANILA, Philippines - Sinimulan na kahapon ni Filipino boxing superstar Manny Pacquiao ang kanyang light sparring sa Gene­ral Santos City Sports Complex bilang paghahanda sa kanilang ikaapat na paghaharap ni Juan Manuel Marquez.

Apat na light sparring rounds ang ginawa ng Filipino world eight-division champion na si Pacquiao laban kay Filipino lightweight Rocky Marcial.

Nauna nang ibinuhos ng 33-anyos na Sarangani Congressman ang kanyang isang buwan na pagpapakondisyon sa pamamagitan ng groundworks, jogging, punch­mitts at speedball katuwang si Filipino assistant trainer Buboy Fernandez.

Sa Sabado ay nakatakdang magtungo sina Pacquiao at Fernandez sa United States para sa kanilang training camp ni chief trainer Freddie Roach sa Wild Card Boxing Gym sa Hollywood, California.

“No big deal. He’ll be a couple days late but we have eight weeks before the fight, plenty of time,” sabi ni Roach sa naunang panayam sa kanya.

Noong Oktubre 13 pa sana nakaalis si Pacquiao patungong US, ngunit ipinagpaliban ito at sa halip ay ipi­nagpatuloy ang kanyang pagpapakondisyon sa General Santos City.

Magtatagpo sina Pacquiao at Marquez sa pang apat na pagkakataon sa Disyembre 8 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

Ayon kay Fernandez, pinag-aaralan din nila ni Pacquiao ang posibleng panggugulang na gaga­wing muli ni Marquez kagaya sa kanilang pangatlong paghaharap noong Nobyembre ng 2011.

Sa naturang laban, ilang beses sinadyang ta­pakan ni Marquez ang paa ni Pacquiao para mai­konekta ang kanyang counter-punch.

Muling kinuha ni Roach bilang sparring partners ni Pacquiao sina Ray Beltran, isang counter-puncher kagaya ni Marquez, at Russian boxer Ruslan Provodnikov.

Show comments