MANILA, Philippines - Nagising si Kevin Alas sa huling yugto upang pangunahan ang mainit na pagtatapos ng Letran tungo sa panalo sa 64-55 panalo sa San Beda sa Game Two ng 88th NCAA men’s basketball Finals sa nag-uumapaw na Smart Araneta Coliseum kagabi.
Umabot sa 15,354 ang mga taong nanood at karamihan rito ay mga Lions supporters na nangarap na makita ang kanilang koponan na mahablot ang ika-17th titulo sa liga ngunit hindi ito pinahintulutan ng Knights.
Tahimik sa unang tatlong yugto, kinumpleto ni Alas ang dalawang 3-point play habang si Jonathan Belorio ay pumukol ng dalawang tres at isa ang kay Mark Cruz upang ilayo ang Knights sa 60-52.
May 15 puntos at 10 rebounds si Belorio at hindi sumablay sa tatlong tres na ipinukol at ang Knights ay nakatikim din ng panalo sa Lions mula pa noong 2007.
“Last game na ito namin kaya naging aggressive lang kami sa kabuuan ng laro. Alam namin kaya naming manalo sa kanila matapos ang Game One,” wika ni Belorio.
Si Cruz ay mayroong 12 puntos habang si Alas na nagtala lamang ng apat na puntos sa first half ay may 10-pts. sa labanan.
Binalikat ni Olaide Adeogun ang laban ng Lions sa kanyang 12 puntos pero nawala ang outside shooting na naipakita ng Lions sa Game One para magkatabla ang magkabilang koponan sa 1-1 sa best-of-three finals.
Ang deciding Game Three ay itinakda sa Huwebes sa Big Dome at ang mananalo ang siyang kikilalanin din bilang winningest team sa NCAA.
Samantala, kinopo naman ng San Beda Red Cubs ang ikaapat na sunod na juniors title sa pamamagitan ng 83-58 panalo laban sa San Sebastian tungo sa 2-0 sweep sa best of three finals.
May 12 puntos si Arvin Tolentino para pangunahan ang tatlong Red Cubs na may 10 puntos pataas na naiskor sa laro para lapangin din ang ika-20th titulo sa high school division.
“Ang mga players ang tunay na dahilan kung bakit namin ito naabot,” pahayag ni Cubs coach Britt Reroma. (ATan)
Letran 64- Belorio 15, Cruz 12, Lituania 11, Cortes 10, Ke. Alas 10, Racal 2, Almazan 2, Kr. Alas 2, Luib 0.
San Beda 55- Adeogun 12, Amer 9, K. Pascual 9, Caram 9, K. Pascual 6, Dela Cruz 4, Dela Rosa 4, Koga 2, Mendoza 0, Lim 0.
Quarterscores: 18-14; 37-28; 41-43; 64-55.