Sinong magwawagi?
Ewan, walang nakaaalam kung sino ang sa dulo’y magwawagi sa labanan ng dalawang malalakas na political power na sina Marcos at Duterte.
Nililitis na si dating Presidente Digong sa salang crimes against humanity sa The Hague habang nagpoprotesta ang angaw-angaw na supporters niya sa iba’t ibang panig ng bansa. Ngunit kahit sino ang magwagi sa bakbakan, sambayanang Pilipino ang talunan. Bakit?
Kasi hindi na matatapos ang pag-aaway ng dalawang personalidad na ito at ang magdurusa ay ang bansa. Walang katapusang kilos protesta at batikusan ‘yan!
Lahat ng tao ay mamamatay, pati na ang mga nangungunang personalidad sa political drama na ito. Subalit alalahanin natin na sila ay may mga anak na tiyak na magpapatuloy sa kanilang ipinaglalaban, bukod pa sa mga taong bulag na sumusuporta sa kanila.
Pero kung hindi magbabago ang Pilipino at patuloy na didiyusin ang mga political personalities, walang mabuting patutunguhan ang bansang ito. Baguhin na ang ating mindset. Pagtuunang pansin ang ikabubuti ng bansa at mamamayan. Paghandaan natin ang pagpili ng mga future leaders na dalisay at tapat ang hangaring paunlarin ang bansa.
Kahit na kaanak pa natin o matalik na kaibigan ang sinuman kina Duterte at Marcos, isipin natin na sinuman sa kanila ang manatili sa poder, mananatiling maligalig ang kondisyon ng Pilipinas.
- Latest