Crime rate sa Central Visayas, down by 41.5%
EPEKTIBO ang pamamaraan ni Central Visayas police director Brig. Gen. Red Maranan na bigyan prayoridad ang police presence, mabilisang pagresponde sa krimen, at operational countermeasures na may matibay na suporta ng komunidad bilang pundasyon ng misyon na panatilihing matahimik ang kanyang hurisdiksiyon.
Ang resulta? Bumaba ng 41.5 percent ang crime rate ng Central Visayas sa buwan ng Pebrero. Eh di wow! Binigyan diin ni Maranan ang importansiya ng suporta ng mamamayan sa crime prevention, lalo na’t binuksan n’ya ang communication channel ng kapulisan para mabilisang mag-report ang mga ito ng kriminalidad.
“These efforts have empowered local communities to play a proactive role in safeguarding their neighborhoods,” ani Maranan. Dipugaaa! Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
“These achievements reflect our unwavering commitment to justice and public safety. Under my leadership, we will continue to enhance our initiatives to ensure that Central Visayas remains a region distinguished by peace, order, and security,” ani Maranan.
Masayang inireport ni Maranan na noong Pebrero, umabot sa 179 kaso ng kriminalidad ang nailista sa kanyang sakop, na bumaba ng 127 kaso o 41.5 percent sa pigura na 306 ng nakaraang taon. Noong Enero, bumaba ang crime rate sa Central Visayas mula 767 sa taong 2024 at 256 naman noong Enero o ng 66.62 percent.
Lilinawin ko mga kosa, itong figures ay hindi kathang isip lamang ni Maranan dahil nasa record ito ng Crime Information Reporting and Analysis System (CIRAS) ng PNP.
Puwede nang mag-NCRPO chief si Maranan para maging matahimik ang Metro Manila. Anong sey n’yo mga kosa? Hehehe! Ang sakit sa bangs ni NCRPO director Brig. Gen. Anthony Aberin ito. Mismooo!
Dahil sa pag-apply ng kanyang proactive policing strategies, bumaba ang bilang ng eight focused crimes sa Central Visayas, lalo na ang shooting incidents kung saan 36 ang naitala ng CIRAS noong Enero at 21 lamang sa Pebrero, ani Maranan.
Dahil malapit na ang midterm elections, pinagtibay pa ni Maranan ang checkpoint operations, dinagdagan ang police visibility, pinaaktibo ang pagpatrol sa kalsada, at higit sa lahat pagsulong ng kampanya sa mga wanted persons kaya naging maayos at matagumpay ang kaligtasan ng mamamayan.
Siyempre, pinuri rin ni Maranan ang kanyang kapulisan, lalo na ang mga imbestigador, na madaliang kinilala ang mga crime patterns at ‘yung may posibilidad na gumawa ng krimen. Aktibo rin sila upang pigilan ang mga ito na gumawa ng krimen.
“I’m encouraging my team to remain committed to service excellence, to lead with integrity, and to uphold the highest standards of public service,” bilin ni Maranan. Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Samantala, ang Central Visayas police ang nag-host ng PNP National Police Operational Plan and Budget Committee review ang validation para sa Annual Operations Plan and Budget Estimates para sa 2026 para sa PRO6, PRO7, at PRO8 sa Galleria Hotel sa Cebu.
Abangan!
- Latest