NGAYONG buwan, binibigyang pugay natin ang lahat ng kababaihan at ang kanilang napakahalagang papel sa lipunan at sa ating bansa.
Kahit saan ka tumingin, marami kang makikitang babae na nagpapakitang-gilas at nagtatagumpay sa iba’t ibang larangan at napakaraming industriya.
Mula sa pagnenegosyo, sports, fashion, education, arts, tiyak na maraming babae ang gumagawa ng sariling pangalan at nagpapatunay na kaya nilang makipagsabayan at manguna sa kanilang napiling larangan.
Ngunit hindi limitado sa career ang tagumpay ng kababaihan.
Hindi matatawaran ang kanilang ambag sa pagtataguyod ng pamilya, sa pagpapanday ng kinabukasan ng ating kabataan, at sa pagpapatibay ng ating mga komunidad.
Kasabay ng pagdiriwang na ito, patuloy ang pagkilos ng pamahalaang lungsod para sa pagsusulong ng pagkakapantay-pantay sa ating lipunan.
Tinitiyak natin na may patas na pagkakataon ang lahat, anuman ang kasarian, para masigurong walang maiiwan sa biyahe tungo sa kaunlaran at tagumpay.
Hindi rin tayo tumitigil sa pagbalangkas ng mga proyekto’t programa para mapaigting ang pagsusulong natin ng kanilang mga karapatan at kapakanan.
Bilang pagdiriwang ng Women’s Month, naglatag ang pamahalaang lungsod ng maraming programa para maitampok ang importanteng papel ng kababaihan sa ating paglilingkod sa QCitizens.
Isa na rito ang “QC Kababaihan Festival” Dance Competition kung saan ang mga kalahok ay gumamit ng recycled o repurposed materials para sa kanilang costumes, props o set design na tinatawag na “Upcycled.”
Magkaroon din tayo ng Women’s Entrepreneur Bazaar, Parenting Effectiveness Session, Mobile Breast, Wellness Caravan, Art and Photography Exhibit, Cervical at Lung Cancer Screening, Gender and Development seminar, at iba pang livelihood activities para sa kababaihan.
May iba’t iba pang programa ang inihanda ng mga barangay sa kani-kanilang komunidad.
Sa ating State of the Women Address (SOWA), ilalahad natin ang mga tagumpay, hamon at mga nakalinyang programa’t proyekto para sa mga babae ng ating lungsod.
Kaya sa mga kababaihan ng Lungsod Quezon, tara na’t magsama-sama para sa pagdiriwang ng ating lakas, galing, at kakayahan.
Happy Women’s Month sa ating lahat.