Police academy sa Japan, tinuruan ang kanilang mga lalaking kadete na mag-makeup!
ISANG police academy sa Japan ang nagtuturo sa kanilang mga lalaking kadete na mag-makeup. Kasama na ang makeup training sa academy.
Ang Fukushimaken Keisatsugakko Police Academy sa Fukushima Prefecture ay nagpatupad ng kakaibang klase, kung saan tinuruan ang 60 kadete kung paano mag-ayos ng kanilang sarili gamit ang makeup at tamang grooming.
Ayon sa akademya, bahagi ito ng pagsasanay upang panatilihin ang malinis at propesyonal na imahe ng mga pulis, lalo na’t madalas silang humarap sa publiko.
Nakipagtulungan ang akademya sa kilalang Japanese cosmetics brand na Shiseido, na nagpadala ng kanilang mga beauty consultant para magturo ng tamang pagmo-moisturize ng balat, paggamit ng primer, pag-groom at pag-aayos ng kilay at buhok.
Bagamat sanay sa pisikal na pagsasanay at mga batas, tila ibang laban ang hinarap ng ilang lalaking kadete sa makeup class.
May ilan na nalito sa tamang paggamit ng primer, habang ang iba naman ay halatang hindi alam kung paano simulan ang kanilang pag-aayos.
Isa sa mga kadeteng lumahok sa makeup class na si Yusei Kuwabara, ang nagsabing ngayon lang siya gumamit ng makeup ngunit naiintindihan niya ang kahalagahan nito.
“Bilang isang pulis, palagi akong nasa mata ng publiko. Dapat maayos ang aking hitsura,” aniya.
Habang may mga sumuporta sa kakaibang training na ito, hindi rin naiwasan ang sari-saring reaksiyon mula sa netizens. May ilan na natuwa at nagsabing magandang ideya ito para sa lahat, samantalang ang iba naman ay nagtanong kung talagang kailangan ba ito sa trabaho ng isang pulis.
Bukod sa Fukushima, ang Yamaguchi Police Academy ay nagpatupad na rin ng kahalintulad na programa, kung saan tinuturuan pa ang mga pulis kung paano tamang linisin ang kanilang mukha.
- Latest