Japanese company, nag-alok ng libreng alak at ‘hangover leave’ para makahikayat ng mga bagong empleyado!
Isang maliit na tech company sa Osaka, Japan ang gumawa ng ingay matapos nitong mag-alok ng hindi pangkaraniwang benepisyo sa mga empleyado—libreng alak sa oras ng trabaho at “hangover leave” upang makabawi sa puyat at inuman.
Dahil sa matinding kompetisyon sa pagkuha ng bagong empleyado at limitadong budget para sa mataas na sahod, ang Trust Ring Co. Ltd., isang IT company sa Midoribashi, Osaka, ay nag-isip ng malikhaing paraan upang makaakit ng mga fresh graduates.
Sa halip na taasan ang pasahod, nagdesisyon silang gawing mas “masaya” ang kanilang opisina.
Sa kompanyang ito, hindi ipinagbabawal ang pag-inom habang nagtatrabaho. May libreng beer machine at mga alak na maaaring kunin ng mga empleyado kahit nasa oras ng trabaho.
At kung sakali mang mapasobra ang tagay, maaaring gamitin ang “hangover leave” upang makapasok nang late, nang walang tanung-tanong.
Ayon sa CEO ng Trust Ring Co., limitado ang kanilang pondo para sa mataas na sahod kaya nagdesisyon silang magbigay ng mga benepisyong hindi kayang tapatan nang malalaking kumpanya.
Sa ngayon, epektibo raw ang kanilang estratehiya dahil tatlong taon nang walang nagre-resign sa kanila at nananatiling maayos ang performance ng kompanya.
Ang sahod ng bagong empleyado sa kanilang kompanya ay nasa 222,000 yen kada buwan, na halos katumbas ng minimum wage sa Japan at kasama na ang bayad para sa 20 oras ng overtime.
Ngunit ayon sa ilang empleyado, mas mahalaga sa kanila ang flexibility at masayang working environment kaysa sa mataas na sahod.
Bukod sa “hangover leave”, mayroon ding “loss leave” ang kompanya, kung saan maaaring lumiban ang isang empleyado kung may masamang nangyari sa kanyang iniidolong singer, artista o celebrity.
Sa patuloy na pagbaba ng birthrate sa Japan, nagiging matindi ang kumpetisyon sa pagkuha ng bagong graduate, kaya napipilitang maging malikhain ang maliliit na kompanya sa paghahanap ng mga empleyado.
Ayon sa ilang eksperto, bukod sa mataas na sahod, mas pinahahalagahan na ngayon ng mga bagong graduate ang work-life balance at kalayaang gawin ang gusto nila sa loob ng trabaho.
- Latest