^

PSN Opinyon

Pag-arangkada ng kampanya para sa 2025 midterm elections

KasamBuhay - Jing Castañeda - Philstar.com
Pag-arangkada ng kampanya para sa 2025 midterm elections
Likhang-sining ng pagboto para sa bayan.
Pexels.com

Papalapit na ang halalan ng 2025, at muling bumabalik ang tanong: kaya bang hamunin ng mga Pilipino ang status quo sa pamamagitan ng matalinong pagboto?

Ano nga ba ang ating mga pagpipilian maliban sa mga tradisyunal at pamilyar na pulitikong may kilalang apelyido na nakabalandra sa ating mga bangketa, billboard, at bawat kalsada?

Dapat nating tandaan na ang midterm elections ay may mahalagang papel sa paghubog ng mga pambansang pulisiya na malaki naman ang impluwensiya sa halalan sa pagkapangulo sa 2028. Kaya importanteng suriin ang mga isyung may kinalaman sa 2025 elections.

Tuloy ang hamon ng mga political dynasty

Una, ang patuloy na pag-iral ng mga tinatawag nating political dynasty.   Bagaman ipinagbabawal ng 1987 Philippine Constitution, nananatili ang mga dinastiya dahil sa kakulangan ng batas na magtatakda ng malinaw na limitasyon sa kanilang kapangyarihan.

Bagama’t may mga pamilyang pampulitika na maayos na nagagawa ang kanilang mga tungkulin, lumalabas sa mga pag-aaral na ang pagkakaroon ng political dynasty ay nagdudulot ng katiwalian at kahirapan sa kanilang mga nasasakupan.

Sa kasalukuyan nga ay naiipit tayo sa dalawang political dynasties na magkatunggali para sa pinakamataas na posisyon sa bansa.  Tatalakayin natin ito maya-maya.

Ang karamihan sa mga pampulitikang dinastiya ay matagal nang nakapuwesto, kaya tila naging permanenteng bahagi na sila ng iba’t ibang mga lugar o posisyon sa gobyerno.  Kaya mas pinipili rin sila ng ating mga kababayan bilang kanilang "manok" kaysa pag-aralan ang kanilang karanasan, at ang tunay na tungkulin ng posisyong kanilang tinatakbuhan.

Ayuda: tapat na tulong o utang na loob?

Ang laganap na kahirapan ay isa ring malaking hadlang sa malinis na halalan. Ang mga tradisyunal na pulitiko, lalo na ang mula sa mga pampulitikang dinastiya, ay may siguradong paraan upang makuha ang boto: ang pamimigay ng pera. Maraming botante ang hindi nauunawaan ang malalalim na epekto ng pagboto sa isang kandidatong walang kakayahan. Ngunit hanggang sa kanila lang ba dapat ang sisi lalo na kung ang kapalit ng kanilang boto o suporta ay tulong na labis nilang kinakailangan?

Ang pag-usbong ng ayuda at iba’t ibang anyo ng tulong-pinansyal ng gobyerno ay naging mitsa rin ng kontrobersiya at alegasyon ng pagbili ng boto.   Namimigay nito ang mga kandidato, lalo na ang mga kasalukuyang nasa puwesto, gayong mula naman ang mga ito sa pondong galing sa buwis ng mga mamamayan.

Alam ng Commission on Elections (Comelec) ang epekto ng kasalukuyang sistema ng ayuda. Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, pinag-aaralan ng isa sa kanilang mga komite ang pagbabawal ng pamamahagi ng ayuda sampung araw bago ang eleksyon.

Commission on Elections Chairman George Garcia, “Pinag-aaralan namin ang pamimigay ng ayuda dahil may implikasyon yan sa pagboto ng mga kababayan nating umaasa sa tulong na yan.”
Philstar.com

Social media, kampanya at fake news

Sa totoo lang, social media sana ang dapat naging pinakamalakas nating sandata laban sa disimpormasyon. 

Ngunit mula noong 2016, nahaharap tayo sa fake news at disinformation campaigns na tila hanggang ngayon ay marami pa sa atin ang apektado pa rin.

Ang social media, na dapat sana ay nagsusulong ng adbokasiya, ay nagagamit bilang kasangkapan ng mga makinaryang pampulitika upang magpakalat ng maling impormasyon.

Ramdam pa rin ang epekto ng pagpapasara ng isang malaking istasyon

Mula nang ipasara ang ABS-CBN noong 2020, hindi pa rin napupunan ang kakulangan na iniwan nito. Bagaman lumipat na ito sa digital platforms, hindi maikakaila na ang pagkawala ng prangkisa nito ay lubos na nakaapekto sa malalayong komunidad na umaasa sa balita’t impormasyon na hatid ng network.

Ang kawalan ng ABS-CBN sa probinsya ay nag-iwan ng malaking espasyo para sa maling impormasyon at manipulasyon.

Ang impeachment ng bise-presidente

Sa kasalukuyan, nasa gitna ng isang tunggalian sina Bise-Presidente Sara Duterte at mga kaalyado ng Pangulo. Sa pag-usad ng kaso ng impeachment sa Senado, kaabang-abang kung ito ay hahantong sa paghatol o pagpapawalang-sala.

Mula sa huling sesyon ng House of Representatives ng 19th Congress kung saan higit sa two-thirds ng mga miyembro nito ang sumang-ayon sa impeachment ni Vice Presiden Sara Duterte.
Philstar.com

Ngunit ang paglilitis ay magaganap matapos ang midterms, kaya isang bagong halal na Senado ang magpapasya sa kapalaran ng kaso – isang mabigat na dahilan kung bakit napakahalaga ng 2025 na halalan.

Maging mapanuri sa mga epekto ng 2025 midterms 

Ang mga botanteng Pilipino ay nahaharap sa matinding hamon sa 2025.  Ang magiging komposisyon ng Kongreso at Senado ay may malaking epekto sa pagtakbo ng mga posibleng kandidato sa pagka-presidente at bise presidente sa 2028. Samantala, ang impluwensya ng social media, ang kawalan ng isang malayang malawakang media network, at ang patuloy na patronage politics ay banta sa integridad ng eleksyon.

Ngunit nasa kamay pa rin ng taumbayan ang kapangyarihang baguhin ang sistema.

Ang halalan sa 2025 ay hindi lamang magdidikta ng landas ng bansa sa susunod na tatlong taon.  Ito rin ang huhubog sa political landscape hanggang sa 2028 at higit pa.

Malaki ang epekto ng 2025 midterm elections sa Presidential elections sa 2028.
AFP/Jam Sta Rosa

Sana’y sama-sama nating iwasan ang pagiging biktima ng maling impormasyon at iba pang mga paraan ng pagmamanipula. Kailangang suriin nating mabuti ang mga kandidato at gumawa ng matalinong desisyon. 

Ang kinabukasan ng bansa ay nakasalalay sa ating mga pagpili. Tayo ba ay magpapatuloy sa cycle na ito, o pipiliin nating magkaroon ng tunay na pagbabago?

-----

Sundan ang aking social media accounts JingCastaneda: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok at Twitter.  Ibahagi ang inyong mga kuwento, suhestiyon at tanong sa editorial@jingcastaneda.ph.

2025 MIDTERM ELECTIONS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with
-->