MALAKING problema ang kahaharapin kapag itinuloy ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang planong tanggalin ang EDSA Bus lane. Ayon sa MMDA, ang planong pag-phase out sa EDSA bus lane ay gagawin kapag naisaayos ang Metro Rail Transit (MRT). Balak daw ng Department of Transportation (DOTr) na magdagdag ng isang bagon sa mga train ng MRT na mayroong 30 percent capacity bawat biyahe. Kapag nasiguro na maa-accommodate ng MRT ang lahat ng pasahero ng bus carousel ay saka lamang isasagawa ang pag-phase out sa bus lane.
Ang planong pag-aalis sa EDSA Bus lane ay lumutang sa ginawang meeting na ipinatawag ni President Ferdinand Marcos Jr. na may kaugnayan sa Comprehensive Traffic Management Plan (CTMP). Kabilang sa mga dumalo sina Executive Sec. Lucas Bersamin, DOTr Sec. Jaime Bautista, DPWH Sec. Manuel Bonoan, DILG Sec. Jonvic Remulla at MMDA Chairman Romando Artes.
Sabi ni Artes, kung maisasaayos ang MRT at maisasakay lahat ang pasahero, hindi na raw kailangan pa ang mga bus dahil pareho rin naman ang ruta at mas maraming station ang MRT kaysa bus carousel.
Lumutang din sa meeting ang planong kolektahan ng bayad ang mga pribadong sasakyan na daraan sa EDSA. Ayon kay Artes, ginagawa ang ganito sa Singapore na tinatawag na congestion charges. Ito raw ay para mahikayat ang mamamayan na gumamit ng public transport.
Suhestiyon din na para mapaluwag ang traffic, ipagagamit sa motorcycle riders ang bike lane. Sinabi ni Remulla na sa pamamagitan ng paggamit sa bike lane, mababawasan ang aksidente ng mga motorsiklo. Ayon kay Remulla, 70 percent ng aksidente sa motorsiklo ay dahil sa pag-iwas sa trapik. Kung magsi-share ang bike at motorsiklo ay malaki ang mababawas sa trapik at aksidente, ayon sa DILG secretary.
Napag-usapan din sa meeting ang isasagawang rehabilitasyon sa EDSA na sisimulan na sa darating na Marso. Isasaayos daw ang Guadalupe Bridge sa Makati at ang Magallanes interchange sa Pasay.
Ang naganap na meeting ay walang kinahantungan kung tutuusin kung paano mapapaluwag ang trapik sa EDSA. Hindi ang pagtanggal sa EDSA bus lane ang remedyo rito. Kahit pa sabihing gagawin lang ito kapag naisaayos ang MRT. Bakit tatanggalin ang napapakinabangan. Hindi rin naman nakatitiyak na hindi masisira ang MRT. Ilang taon na ang nakararaan, sunud-sunod ang pagkasira ng MRT at ang sumasahod sa mga pasahero ng nasirang MRT ay mga bus.
Mas maganda kung i-improve ang MRT, sabay ding i-improve ang EDSA bus lane—huwag itong aalisin. Malaking pagkakamali kapag inalis ito.