Maraming isasagawang positibong reporma ang bagong talagang hepe ng PhilHealth. Milyun-milyong Pinoy ang makakaasa na bubuti na ang serbisyo ng PhilHealth nang italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Dr. Edwin Mercado na bagong presidente at CEO ng ahensya. Ipakikita ni Mercado ang sigasig na iwasto ang direksiyon ng PhilHealth.
Naging kontrobersyal ang PhilHealth, dahil sa mismanagement sa pagre-reimburse ng pondo sa mga kasaping pagamutan. Kasi naman, ang mga dating itinalagang manuno ay walang background sa medical insurance. Halimbawa, naging hepe ng PhilHealth ang isang retiradong heneral, na bigong maresolba ang mga kontrobersyang bumalot sa ahensya. Subok ang kakayahan ni Dr. Mercado, hindi lang bilang doktor kundi ehekutibo ng ospital.
May kakayahan si Dr. Mercado dahil saksi ito sa mga paghihirap ng mga pasyente, doktor at mga ospital na nakikipagtransaksiyon sa PhilHealth. Siya ay aral sa Harvard Medical School at sa University of North Carolina. Walang duda na kabisado niya ang takbo ng PhilHealth.
Alam ni Dr. Mercado ang mga pasikut-sikot sa healthcare system. Umaasa ang milyun-milyong Pinoy na ang kanyang pagkakatalaga sa PhilHealth ay patungo na sa mas maasahan, transparent at maayos na serbisyo ng ahensiya.
Importante sa mga Pilipino ang PhilHealth sa healthcare system ng bansa kaya ang magiging mga reporma nito ay krusyal para makamit ng administrasyong Marcos ang misyon nito na healthcare coverage para sa lahat.
Ang mga reporma ng PhilHealth ay inaasahang tututok sa pagpapaikli ng mga proseso upang mas mapabilis ang mga reimbursement at masawata ang mga panloloko, na magiging hudyat naman sa pagbabalik ng tiwala ng publiko sa ahensiya.
Sakto rin ang pagkakatalaga kay Dr. Mercado sa PhilHealth dahil matindi ang panawagan na matuldukan na ang mga panunuhol sa ahensiya upang matiyak ang transparency at mapabuti ang pagbibigay ng kanilang serbisyo.
Ang pagtatalaga kay Dr. Mercado ay alinsunod din sa pangako ng administrasyong Marcos na ang mga itatalaga niya ay maaasahang lider sa bawat ahensiya ng pamahalaan. Dahil nalalapit na ang midterm polls sa Mayo 2025, ang senatorial slate ng administrasyon na “Alyansa Para sa Bagong Pilipinas” ay nagpapakita rin ng mabuting pamamahala at epektibong serbisyo-publiko. Katibayan ito ng pagpapabuti sa liderato PhilHealth.
Bagaman hindi madali, isa nang positibong hakbang ang pagtatalaga kay Dr. Mercado para sa inaasahang mga reporma sa PhilHealth. Masusukat ang kanyang tagumpay sa pamamagitan ng inaasahang episyente, transparent at masasandigang PhilHealth na makatutulong naman nang husto sa bawat Pilipino.