EDITORYAL — Deployment ban sa Kuwait, ano na DMW?

MAHIGIT isang buwan na ang nakalilipas mula nang matagpuan ang naaagnas na bangkay ng Overseas Filipino Worker na si Dafnie Nacalaban, 35, sa bakuran ng kanyang amo sa Kuwait. Ayon sa kaanak ni Dafnie, isang buwan na itong nawawala bago na­tuklasan ang kanyang bangkay noong Disyembre 31. Subalit ang nakapagtataka, hanggang ngayon, wala nang balita kung ano na nangyari sa kaso ng OFW. May nanagot na ba sa pagkamatay ni Dafnie. Nasa kulungan na ba ang itinuturong killer ni Dafnie?

At ang malaking tanong ngayon, ipagpapatuloy pa ba ang balak na deployment ban ng OFWs sa Kuwait­ dahil sa nangyari? Ano ang ginagawang hakbang ng De­partment­ of Migrant Workers (DMW) sa kaso ni Dafnie­. May makakamit bang hustisya ang mga kaanak ni Dafnie sa Cagayan de Oro.

Una nang sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na naaresto na ang suspect sa pagpatay kay Dafnie. Ayon kay Cacdac, ang suspect ay nakilalang si Jarrah Jassem Abdulghani, amo ni Dafnie. Ayon sa report ang kapatid na lalaki ng suspect ang nagturo kung saan matatagpuan ang bangkay ni Dafnie. Nanilbihan uma­nong domestic worker si Dafnie noong Disyembre 2019.

Biglang nawala ang balita kay Dafnie at nawalang parang bula rin ang balak na deployment ban ng OFWs sa Kuwait. Sinabi ni Cacdac na ipagbibigay alam umano niya kay President Ferdinand Marcos Jr. ang balak na deployment ban ng OFWs sa nasabing bansa. Hindi na nasundan kung ano ang tugon ni Marcos sa balak na suspendihin ang pagpapadala ng OFWs sa Kuwait.

Tinatayang 215,000 ang OFWs sa Kuwait at 60 percent ng mga ito ay nagtatrabahong domestic workers. Ang Kuwait ang ikaanim na bansa na hantungan ng mga Pilipino para magtrabaho. Bagamat nakatutulong sa bansa ang remittances ng OFWs sa Kuwait, mas­yado namang delikado ang kanilang kalagayan sapag­kat marami ang napapahamak. Napatunayan ito sa mga sunud-sunod na pagkamatay ng mga Pinay domestic workers. Mula 2016 hanggang sa kasalukuyan, ma­ra­ming Pinay workers na ang pinatay.

Kabilang sa mga pinatay na Pinay domestic workers sina Jullebee Ranara, Joanna Demafelis, Constancia Dayag at Jeanelyn Villavende. Karumal-dumal ang ginawa kay Ranara na matapos gahasain ng tinedyer na amo ay pinatay at sinunog ang bangkay. Si Demafelis, makaraang patayin ng amo ay inilagay sa freezer.

Noong 2023, nagkasundo ang Pilipinas at Kuwait sa proteksiyong ipagkakaloob sa OFWs. Lumagda­ ang Kuwait na pangangalagaan ang karapatan ng OFWs par­tikular ang domestic workers. Subalit hindi tinupad ng Kuwait.

Nararapat nang itigil ang pagpapadala ng OFWs sa nasabing bansa upang matigil na ang sunud-sunod na pagpatay. Kailangang umaksiyon ang DMW ukol dito.

Show comments