Infra Projects ngayong 2025
Binisita ko kamakailan ang ilan nating infrastructure projects sa tatlong distrito ng Quezon City na mapapakinabangan na ng QCitizens ngayong taon.
Sa Distrito 6, nagtungo tayo sa Barangay Culiat para inspeksiyunin ang dalawang palapag na Barangay Culiat Multi-purpose Building.
Maaari itong gamitin ng mga taga-Culiat para sa pagtitipon at puwedeng magsilbing evacuation area sakaling abutin sila ng baha. May basketball court ito para sa mga mahilig sa sports.
Dinalaw rin natin ang project site ng ginagawang Tandang Sora Hospital. Nakipag-ugnayan na tayo sa Department of Public Works and Highways para sa mabilis na pagpapatayo nito para mapakinabangan na ng QCitizens.
Bukod dyan, may mga nakalinya pa tayong proyekto sa Distrito Sais, kabilang na ang Tandang Sora Women’s Museum, ikalawang Kabahagi Center for Children With Disabilities, tatlong five-story housing project katuwang ang opisina ni Cong. Marivic Co-Pilar, Baesa Housing Project, at A. Samson Health Center at Lying-In Clinic.
Sa District 4 naman, todo na ang ginagawang pagsasaayos ng Galas Public Market, na magkakaroon na ng 200 stalls sa wet and dry sections nito.
Bahagi rin ng ating Infra Tour ang pagdalaw sa Barangay Center at Multi-Purpose Livelihood Center ng Barangay Kaunlaran, bagong Kamuning Public Market at sa elevated promenade na mag-uugnay sa Quezon Memorial Circle at sa Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center.
Nakatakda namang simulan ang iba’t ibang proyekto sa Quezon Memorial Circle, gaya ng sports facilities, admin building, e-trike terminal, multi-purpose open field, lawn tennis, cycling and jogging path, food plaza, dog park, at botanical kiosks.
Last but not the least, nag-ikot tayo sa District 3 kung saan binisita natin ang pinagandang Balara Filters Park., na isa sa pinakamatandang recreational areas sa ating lungsod.
Pinasinayaan din natin ang bagong renovate na barangay hall ng Barangay Escopa II, kung saan pinaayos natin ang pintura, tiles, mga pinto at bintana, disaster risk management room, CCTV room, session hall, office ng barangay captain, daycare center at multipurpose hall.
Binuksan na rin ang Barangay Tagumpay Covered Court na pinagawa ng city government para may magamit ang mga taga-barangay para maglaro, mag-ehersisyo at magtipon-tipon.
Pinangunahan naman natin blessing at ribbon cutting ng Barangay West Kamias Barangay Hall, isang 4-story building na may covered roof deck. daycare center, CCTV room, offices ng barangay officials, maayos na restrooms, wash area, clinic, at conference room.
Paunang ratsada pa lang iyan ng ating mga proyektong pang-imprastraktura ngayong taon. Hindi tayo titigil sa paghahatid ng mga makabuluhang proyekto at programa para sa kapakanan ng QCitizens.
- Latest