Isang 28-anyos na lalaki mula sa Malaysia ang nakaisip ng kakaibang paraan upang pagkakitaan ang kanyang hitsurang sanggano, sa pamamagitan ng pagiging “kontrabida” na inuupahan ng mga nais magpakitang-gilas bilang “hero”.
Si Shazali Sulaiman, isang taga-Ipoh, ay nag-viral sa social media matapos ianunsiyo ang kanyang serbisyong “villain for hire”.
Sa halagang 100 ringgit (1,300 pesos) sa weekdays at 150 ringgit (1,900 pesos) sa weekends, maaari siyang upahan upang magkunwaring gumagawa ng gulo, upang bigyang-daan ang kanyang kliyente na umeksena bilang tagapagtanggol.
Kung lalabas naman siya sa kanyang siyudad, sagot ng kliyente ang kanyang gastos sa biyahe.
Ayon kay Sulaiman, naisip niya ang ideyang ito matapos sabihin ng iba na mukha siyang miyembro ng isang gang dahil sa kanyang mahabang buhok at biker-style na pananamit.
Sa halip na mainsulto, ginamit niya ito bilang puhunan upang kumita ng pera sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataon sa iba na ipakita ang kanilang tapang sa harap ng kanilang kasintahan o nililigawan.
Sa isang insidente na kanyang ibinahagi, isang lalaki ang umupa sa kanya upang subukan ang serbisyo.
“Nang pumunta ang boyfriend sa banyo, kunwari ay hinarass ko ang kanyang kasintahan. Pagbalik niya, hinarap niya ako na parang isang tunay na bayani,” kuwento ni Sulaiman.
Bagama’t marami ang natuwa at humanga sa kanyang pagiging malikhain, hindi rin nawala ang mga negatibong reaksiyon sa social media.
May mga nagsabing maaari itong magdulot ng legal na problema, lalo na kung may taong hindi nakaaalam na ito ay isang palabas lamang.
Ngunit giit ni Sulaiman, wala pang nasasaktan sa kanyang ginagawa. “Parang WWE (World Wrestling Entertainment) lang ito—puro acting, walang nasasaktan. Ako lang ang laging talo,” aniya.
Sa kabila ng kontrobersiya, patuloy pa ring tinatangkilik ang serbisyo ni Sulaiman, patunay na sa mundo ng negosyo, malayo ang mararating ng malikhaing pag-iisip.