Kayabangan

ANO ang napapala sa kayabangan? Sa totoo lang, wala. Gusto lang ipagmayabang ang kagamitan o magpapansin. Mabuti kung ganun lang.  Ang mahirap ay kung may nada­damay.

Ganito ang nangyari sa Taft Avenue noong Miyerkules. Isang motorsiklo ang nagpatakbo nang napakabilis sa na­sabing kalsada. Ang Taft ay napakaraming intersection, bukod sa rami ng sasakyang pampubliko at pribado.

Nakunan ng dashcam kung gaano kabilis ang takbo ng motorsiklo. At ilang segundo lang, nangyari na ang ma­lagim na aksidente.

Tama ang sinabi ng nakakuha ng video. “Sobrang kayabangan kasi.”

Nabundol ng motorsiklo ang dalawang babaeng tuma­tawid ng Taft. Mabanggit ko rin na malaki at mabigat ang motorsiklong nakabundol. Hindi ito scooter.

Malaki at mabigat na nga, mabilis pa ang takbo kaya walang kalaban-laban ang dalawang babae.

Patay ang isa habang sugatan ang isa. Lahat kasama ang rider ay dinala sa Philippine General Hospital. Na­sunog naman ang motorsiklo matapos mabundol ang dalawang babae.

Dahil nag-viral ang video ng aksidente, may mga nag­sabing nasa tama ang motorsiklo dahil berde ang ilaw nang dumaan ito. Pero pinabulaanan ito ni Joe Ferreria, pre­si­dente ng Automobile Association of the Philippines (AAP).

Ayon sa kanya, ang tumatawid ay laging may right of way. Kapag tumapak na sa kalsada, sila na ang may right of way. Hindi raw puwedeng ipangatwiran na berde ang ilaw kaya dapat mauna. Ganyan ang batas sa bansa.

Ngayon, nahaharap sa kasong “reckless imprudence resulting in homicide and physical injuries” ang rider ng motorsiklo. Sigurado may kailangang bayaran sa mga biktima at baka may kulong pa.

Lahat iyan, dahil inisip na puwedeng magpatakbo ng napakabilis sa kalsadang itinuturing na “urbanized road” kung saan 20 kilometro kada oras lang dapat ang takbo ng mga sasakyan.

Maaaring hindi ito nasusunod nang maraming sasakyan, pero hindi naman nagpapatakbo na singbilis ng nakabundol na motorsiklo.

Isang lugar na dapat din binabantayan ng mga opisyal ay ang Marilaque Highway. Marami ring nagyayabang na motorsiklo rito.

Mga nagpapatakbo nang mabilis, mga nakahiga o nakadapa habang minamaneho ang scooter, mga nagtataas ng gulong at higit sa lahat, mga pilit na hinihiga ang motorsiklo na tila kumakarera.

Nagmimistulang racetrack ang Marilaque. Marami na ang naaksidente rito, dahil din sa kayabangan. May nadadamay pang ibang sasakyan.

Dapat magdalawang-isip muna bago kumilos kung saan ang pakay lamang ay magyabang o magpasikat. Siguraduhing walang masasaktan, maging ang ibang tao o ang sarili.

Hindi sulit kung may masaktan, o may mamatay.

Show comments