^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Makalipas ang 10 taon, hustisya, mailap sa SAF 44

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Makalipas ang 10 taon, hustisya, mailap sa SAF 44

Ginunita ng Philippine National Police (PNP) ang ika-10 taon nang karumal-dumal na pagpatay sa 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF) commandos. Ang paggunita na tinawag ng PNP na Araw ng Pambansang Pag-alala ay isinagawa sa Philippine National Police Aca­demy (PNPA) Grandstand sa Camp Gen. Mariano Castañeda, Silang, Cavite. Dumalo sa paggunita ang mga kaanak ng namatay, mga opisyal ng PNP at mga lider ng gobyerno.

Nagsalita ang ilan sa mga naulila ng SAF 44 at bakas sa kanilang mukha ang hindi pa bumabahaw na sugat na idinulot ng massacre. Sampung taon na ang nakalilipas mula nang maganap ang pagmasaker sa 44 commandos, subalit ang hapdi ng pangyayari ay nananatili pa rin. Mas lalong umaantak sapagkat ang mga dapat managot ay napawalang sala pa.

Minasaker ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom ­Fighters (BIFF) ang SAF 44 sa Mamasapano, Maguindanao. Ang 44 ang nagsilbing blocking force sa mga sumalakay sa kubo ng Indonesian terrorist na si Marwan. Napatay ng SAF si Marwan. Pitong oras nakipaglaban ang SAF 44 sa MILF at BIFF noong madaling araw ng Enero 25, 2015 pero walang sumaklolo sa mga ito. Hinayaang patayin ng MILF at BIFF ang police commandos at saka pinagnakawan pa ang mga ito. Ninakaw ang cell phones, uniporme, combat boots at baril ng mga ito. Karamihan sa commandos ay pinagtataga. Isa lamang ang nakaligtas sa masaker.

Nag-imbestiga ang Senado noong 2017 pero nagturuan lang ang military general at mga dating opisyal ng Philippine National Police kabilang si dating PNP chief Alan Purisima na may kinalaman sa “Oplan Exodus”. Itinuturo ng military general ang dating hepe ng Special Action Force na hindi nakipag-coordinate sa kanila kaya hindi nabigyan o napadalhan ng tulong habang nakiki­pagbakbakan sa MILF at BIFF. Pero itinanggi iyon ng dating hepe ng SAF. Ayon sa kanya, maaga pa lamang ay humingi na siya ng artillery support sa AFP. Pero walang dumating na tulong. Dahil hindi nasaklolohan, nalagas ang 44 na SAF. Sa dakong huli, napawalang-sala si Purisima at dating SAF Director Getulio Napenas.

Hanggang ngayon, malaking katanungan kung bakit hindi nasaklolohan ng AFP ang mga nasukol na SAF. Ano ang dahilan at hindi nila pinagsikapang respondehan gayung kayang-kaya naman ayon sa salaysay ng ibang sundalo. Bakit hinayaan na patayin ng mga kalaban ang 44 commandos?

Walang closure sa karumal-dumal na pagpatay. Sa kabila na 10 taon na ang nakalilipas, umaasa pa rin ang mga naulila ng 44 na makakamit pa rin nila ang hustisya. Kung paano, isang malaking katanungan.

PNP

SAF

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with