Agarang aksiyon para sa better na buhay ng magsasaka at manggagawa
Gusto ko sanang makipag-usap sa inyo tungkol sa mga hakbang na ating isinusulong para sa mga magsasaka at mga manggagawa.
Unahin natin ang isyu ng presyo ng bigas. Alam po ninyo, kahit ako, naiirita sa taas ng presyo ng bigas na ‘di naman yata makatotohanan. Sinabi ko nga, hindi sapat na puro salita lang mula sa gobyerno—dapat may aksiyon!
May mga batas na laban sa rice cartel at profiteering, pero hangga’t walang naikukulong na smugglers at price manipulators, patuloy lang ang pagsasamantala. Kaya nga, ang solusyon dito? Dapat may masampolang ikulong!
Sabi ko rin, para hindi na dumaan pa sa mga middlemen, mas mainam kung ang gobyerno na ang bibili ng ani ng mga magsasaka. Kasi, sino ba ang yumayaman? Hindi ba’t ang mga middlemen? Kaya, kailangan nating baguhin ang sistemang ito.
Ngayon naman, sa usapang manggagawa. Bilang isang senatorial aspirant, isinusulong ko ang tax exemptions para sa 13th month pay at overtime pay ng ating mga manggagawa.
Malaking tulong ito sa kanila, kasi magagamit nila ito para sa mga pangunahing pangangailangan—pambili ng pagkain, gamot, at pagpapaaral ng mga anak.
May pangmatagalang benepisyo pa ‘yan sa ating ekonomiya. Kapag tumaas ang spending ng mga tao, sisigla ang mga negosyo at mas maraming kita ang papasok sa gobyerno. So, kahit may mawawalang kita, babawiin din natin ‘yan.
Sa ilalim ng kasalukuyang tax code, hanggang P90,000 lang ang non-taxable na 13th month pay kasama ang iba pang bonuses. Anumang higit doon, isinasama na sa taxable income.
Kaya kung hindi na ito kasama sa buwis, mas makikinabang ang mga pamilyang Pilipino, at maiiwasan nilang lalong maghirap habang patuloy ang pagtaas ng inflation.
Kaya sama-sama po tayo sa mga hakbang na ito. Magsama tayo para sa better at mas magaang buhay para sa ating mga magsasaka, manggagawa, at sa buong pamilya.
Maraming salamat po at mag-ingat po tayong lahat!
- Latest