Isang hindi pangkaraniwang insidente ang naganap sa Yongning County sa China, nang isang 10-years-old na bata ang tumawag sa pulisya upang ireklamo ang sariling ama matapos siyang pagalitan dahil hindi niya natapos ang kanyang homework.
Ayon sa ulat, January 9 nang masermonan ang bata dahil hindi niya natapos ang kanyang mga gawain bago ang kanyang birthday.
Labis itong dinamdam ng bata, kaya’t umalis siya sa kanilang bahay at nagpunta sa isang tindahan kung saan siya nanghiram ng telepono upang tumawag sa 110, ang emergency hotline ng pulisya sa China.
Habang kausap ang pulisya, isiniwalat ng bata na nagtatago ang kanyang ama ng mga poppy pod sa kanilang bahay—isang ipinagbabawal na substansiya na ginagamit sa paggawa ng opium.
Nang makarating sa bahay ng bata ang mga pulis, natagpuan ng mga awtoridad ang walong piraso ng pinatuyong poppy pod na nakatago sa balkonahe.
Inamin ng ama na pagmamay-ari niya ang mga ito ngunit iginiit niyang ginagamit lamang niya ang mga ito para sa panggamot. Aniya, “Pinagsisisihan ko ang aking ginawa.”
Dahil sa insidente, inaresto ang ama at dinala sa istasyon ng pulisya. Ang kaso ay inilipat na sa Anti-Narcotics Brigade para sa mas malalim na imbestigasyon.
Sa ilalim ng batas ng China, mahigpit na ipinagbabawal ang pag-aari o pagtatanim ng poppy plant nang walang pahintulot, dahil ito ay pangunahing sangkap sa paggawa ng mga ipinagbabawal na droga.
Nagbigay babala ang mga awtoridad sa publiko hinggil sa panganib ng mga poppy shell. Bagama’t may medicinal value para sa pagpapakalma ng sakit at stress, mahigpit na kinokontrol ito dahil sa kaugnayan nito sa ilegal na droga.
Ang poppy ay simbolo rin ng masalimuot na kasaysayan ng China, kung saan nalulong ang maraming mamamayan sa opium noong Qing Dynasty, na kalauna’y nauwi sa Opium Wars laban sa Britain.
Samantala, hindi malinaw kung ano ang naging kapalaran ng bata matapos maaresto ang kanyang ama.