^

PSN Opinyon

Ang mga bagong katuwang ng CHED

KasamBuhay - Jing Castañeda - Philstar.com
Ang mga bagong katuwang ng CHED
BAWAT SEKTOR, KABAHAGI SA PAGSULONG NG HIGHER EDUCATION SA PILIPINAS: Ang mga lider at kinatawan ng Commission on Higher Education (CHED) kasama ang mga appointee sa oath-taking ceremony sa pagbuo ng mga panibagong Technical Panels.

Habang tumatagal ay tila pabilis nang pabilis ang pagdating ng mga pagbabago sa ating lipunan. Maaaring ang skills na kailangan para mamayagpag sa isang larangan noon, kahit wala pang isang dekada ang balikan natin, ay ibang-iba na sa sitwasyon ngayon.

Dahil dito, masasabi nating isa sa mga pinakamahalagang tungkulin ng Commission of Higher Education (CHED) ang siguraduhing patuloy ang ebolusyon ng kurikulum ng mga kolehiyo at unibersidad.

Isa sa mga hakbang para sa prosesong ito ay ang pagbuo ng CHED ng mga Technical Panel — kung saan ang inyong lingkod ay nagkaroon ng pagkakataon na maging miyembro.

Ngayong Disyembre, kasama ang daan-daan pang ibang eksperto, lider, at personalidad sa iba’t ibang larangan, nakiisa tayo sa oath-taking ceremony ng mga bumubuo sa 72 na Technical Panels ng CHED. 

Isang karangalan ang mapabilang sa mga bagong miyembro ng Technical Panel for Broadcasting, Communication, at Journalism (TPBCJ). 

Dito, isa sa mga nangungunang tungkulin natin ang pakikipagtulungan para maghatid ng pagbabago sa mga programa at kursong nasasakop ng technical panel, partikular na ang magiging roadmap para sa mga disciplinary programs at pagpapabuti ng mga policies, standards, at guidelines (PSGs).

Pinoy gradweyt, kayang-kaya makipagsabayan!

Sa makabagong kurikulum at mga programang pang higher educational institutions (HEIs), nasisiguro nating kahit anong larangan at kahit saan sa mundo ay kayang-kayang makipagsabayan ng mga Pilipino.

Hindi lamang ang kurikulum ang magiging makabago.  Sa kauna-unahang pagkakataon, ayon kay CHED Chairman Prospero “Popoy” De Vera, ang mga miyembro ng Technical Panels ay manggagaling sa iba’t ibang sektor bukod pa sa academe at gobyerno. 

Sina CHED Chairman Popoy De Vera (kaliwa) at CHED Commissioner Dr. Shirley Agrupis (gitna) kasama ang ilang miyembro ng Technical Panel.

Isang “breakthrough” aniya ang kolaborasyon ng tatlong sektor para sa layunin ng CHED sa pagbuo nito ng mga Technical Panel:  “Una, sa pagtukoy sa supply and demand ng isang partikular na discipline.  Pangalawa, kung ano ang dapat nating asahan sa pag-usbong ng mga makabagong teknolohiya o mga global events, at kung anong manpower dapat ang magiging bunga ng ating mga unibersidad,” sabi ni Chairman Popoy.

Ikinararangal nating maging bahagi ng TPBCJ at makatrabaho ang mga bigatin sa industriya at akademya tulad nila Dr. Elizabeth Enriquez, Mr. Norman Timothy Agatep, Mr. Herman Bazbaño, Dr. Beverly Lorraine Ho, Dr. Cheryll Ruth Soriano, at Dr. Dante M. Velasco. 

Ikinagagalak ko ring makitang muli ang ilan sa mga kaibigan natin sa iba’t ibang industriya, pati na ang mga na-interview, nakausap, o naka-kwentuhan na natin bilang brodkaster at producer.  Kabilang dito sina UP Professor Dr. Wendell Capili, forensic pathologist Dr. Raquel Fortun, Ateneo research director Dr. Tippy Sumpaico, at Saint Benilde Dean, School of New Media Arts Dr. Sharon Arriola.

Makabagong edukasyon, sagot sa mga makabagong hamon

Ramdam nating lahat ang mga pagbabagong hatid ng AI at social media sa ating mga trabaho — lalo na sa aming nasa larangan ng media.

Tuwing binabalikan ko ang maagang bahagi ng aking karera sa media, na nagsimula sa ABC News sa New York City, hindi ko maiwasang mamangha sa laki ng ipinagbago ng industriyang ito sa loob ng ilang dekada. Kung saan dati’y nangingibabaw ang print at broadcast media, ngayon ay kailangang bihasa na rin ang ating mga journalist sa makabagong media tulad ng digital storytelling, data journalism, at multimedia production. 

Responsibilidad naming mga miyembro ng TPBCJ na masigurong handa ang mga estudyante para sa makabagong demands ng industriyang naghihintay sa kanila.

Bilang isang broadkaster na sa kalaunan ay sumabak na rin sa production at communications ng digital media, hangarin kong makatulong sa pamamagitan ng aking mga natutunan at mga pananaw bilang isang beteranong practitioner, tradigital media pioneer, at education advocate.

Nagpapasalamat tayo sa pagkakataong makapag-ambag at maging katuwang sa paghubog ng susunod na henerasyon ng mga journalist, brodkaster, at media practitioner, bilang miyembro ng Technical Panel ng CHED.

Nakikiisa ako sa hangaring ibinahagi sa atin ni CHED Commissioner Dr. Shirley Agrupis na makabuo ang komisyon ng Technical Panels na “responsive, inclusive, at accountable,” dahil naniniwala rin akong ito ang susi para agad nating maihatid ang mga pagbabagong kinakailangan ng mga mag-aaral na Pilipino.

Iba’t ibang sektor, iisang misyon

Bukod sa paghubog ng kurikulum, kaming nasa Technical Panel ay inatasan ring mag-evaluate ng compliance ng HEIs na may minimum requirements, mag-assess ng mga application para sa Centers of Excellence and Centers of Development, at mag-rekomenda ng mga pagbabago sa mga kasalukuyang programa.

Sang-ayon ako kay Chairman Popoy sa kanyang hangarin para sa mga Technical Panel, na “mas maitaas pa nating lahat ang kalidad ng Philippine higher education.”

Itinuturing kong isang pambihirang karangalan ang mapili bilang miyembro ng Technical Panel na ito — isang pagkakataon na maging instrumento para sa paghubog ng susunod na henerasyon ng mga journalist, brodkaster, at media practitioner. 

----

Sundan ang aking social media accounts JingCastaneda: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok at Twitter.  Para sa inyong mga tanong, kuwento at suhestiyon, mag-email sa [email protected]. 

COMMISSION OF HIGHER EDUCATION

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with