NAKABABAHALA ang sunud-sunod na pagkakadiskubre ng mga submersible drone sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ang pinaka-latest na sea drone ay natagpuan sa karagatan ng Bohol noong Martes ng isang hindi nagpakilalang mangingisda. Ang drone ay kulay silver at pula. Kumalat sa Facebook ang natuklasang drone. Nanawagan ang Armed Forces of the Philippines sa mangingisdang nakatagpo sa drone na ingatan ito at ipagbigay alam sa malapit na military o naval station upang masiguro ang tamang pag-handle at disposition sa nasabing drone.
Noong Enero 2, natagpuan ng mga mangingisda sa karagatan na sakop ng Masbate ang isang submersible drone na may dalawang metro ang haba at hinihinalang pag-aari ng China base sa nakasaad na pangalan sa katawan nito. Ang drone ay binantayan ng mga mangingisda hanggang kunin ng Philippine Navy sa lugar.
Pinuri ng Armed Forces of the Philippines ang ginawa ng mga mangingisda na naging alerto nang makita ang drone. Nananawagan ang AFP na maging mapagmatyag pa ang mga mangingisda sa mga kahina-hinalang bagay na mamamataan sa karagatan. Ayon sa mga awtoridad, ang drone ay maaaring sumasagap ng mga impormasyon lalo’t may malapit na military camp sa Masbate. Maari rin daw na ginagamit ang drone sa pagre-research sa karagatan.
Kasabay sa pagkakatagpo sa ikalawang drone, naaresto naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at National Bureau of Investigation (NBI) ang isang pinaghihinalaang “Chinese spy”. Naaresto noong Lunes si Deng Yuanqing at dalawang Pilipino na nakilalang sina Ronel Jojo Balondo Besa at Jayson Amado Fernandez. Nakuha sa SUV ni Deng ang mga gamit sa pag-eespiya. Ayon sa NBI ang tatlo ay nagsasagawa ng pag-eespiya, surveillance at reconnaissance operations. Marami na raw naisagawang pagbisita at mapping sa military at police headquarters ang tatlo.
Mabilis namang nagsalita ang Chinese Foreign Ministry na tigilan na ng Pilipinas ang pagpapakalat ng “Chinese spy”. Sabi ni Foreign Ministry spokesperson Mao Ning, maging makatotohanan daw sana ang Pilipinas at pawang katotohanan lamang ang ilabas at huwag maling inpormasyon. Umapela pa si Mao sa pamahalaan na protektahan ang karapatan ng mga Chinese national sa Pilipinas.
Habang mabilis ang pag-react ng China sa nahuling “Chinese spy”. Tikom naman ang bibig nila sa yumayaot na “monster ship” ng China Coast Guard sa teritoryong sakop ng Pilipinas. Noon pang unang linggo ng Enero namataan ang “monster ship” sa baybayin ng Zambales at mistulang nagmamatyag at naninindak.
Drones, espiya at monster ship ang madalas nakikita sa kapaligiran ng Pilipinas. Nararapat maging alerto ang mga Pilipino sa binabalak ng China. Maghanda sa lahat ng oras.