Relasyon ng US-PHL mag-iiba ba kay Trump?

Naging Presidente na noon si Donald Trump at muli siyang nahalal ngayon bilang pinuno ng pinakamalakas at implu­wensiya na bansa sa mundo.

Sa una niyang pag-upo, wala namang naganap na maramihang deportation ng mga Pilipinong TNT o ilegal na nananatili sa U.S.

Ito’y sa kabila ng patakaran ni Trump na maghigpit sa mga illegal immigrants lalo na ang mga mula Mexico na kadikit lang ang border sa U.S.

Pero tila mas matindi ang pangamba nang marami nga­yon dahil sa hayagang isolationist policy ni Trump na nag­sabing ihihinto na ng U.S. ang libreng ayuda sa mga bansa. Kung kailangan ng ibang bansa ang mga military equipment, magbayad sila.

Sabi ng mga kritiko ng administrasyong Marcos, kapag kailangan na ng Pilipinas na idepensa ang sarili sa China, mag-iisa na lang tayo sa labanan.

Hindi ako naniniwalang mangyayari iyan dahil balido pa at umiiral ang Mutual Defense Treaty (MDT) natin sa U.S. na hindi basta-basta mapapawalang bisa ng U.S. government.

Isa pa, nagpalabas na ng babala ang pamahalaan ni Trump sa China na kung hindi ito titigil sa pag-harass sa Pilipinas ang China, kikilos ang U.S. upang labanan ang bansang ito.

Kahit marami sa atin ang tutol sa Trump presidency, pabor ako kay Donald Trump. Naniniwala ako na siya lang ang ma­kapapanumbalik sa bumabagsak na moralidad sa U.S.

Sa pangunguna noon ng mga Democrats, ipinagbawal ang pagdarasal at pamamahagi ng Bibliya sa mga pa­aralan.

Kinilala rin ng Democrats ang pagsasama at kasalan ng mga taong magkatulad ang kasarian na hindi sinasang-ayunan ni Trump.

Kung ano ang mangyayari sa US-Philippine relations sa ilalim ng liderato ni Trump ay isang bagay na abangan natin. Idalangin natin na maging mabuti ito para sa buong daigdig.

Show comments