Daming takot na isulong ang impeachment kay Sara?

USAD-PAGONG ang mga inihaing impeachment laban kay Vice President Sara Duterte dahil sinasadya umano ng mga kongresista.

Nang magpakita ng puwersa ang Iglesia ni Cristo (INC) sa ginanap na National Peace rally sa mga Quirino Grand­stand noong Enero 6, nabahag daw ang buntot ng pro-administration candidates.

Nalaman ko, sabi raw ng mga kongresista, tapusin na muna ang midterm elections bago pagtuunan ng pansin ang pag-impeach kay Sara. Kung ipakikita raw nila ang pagsusumikap na ma-impeach si Sara, tiyak na masi-zero sila sa INC at sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Pastor Apollo Quiboloy.

Hindi basta-basta ang mga botante ng INC at KOJC. Sa tantiya ko, milyon ang mga botante ng dalawang reli­gious groups na pakikinabangan ng mga pulitiko para ma­nalo sa nalalapit na election sa Mayo. Malaking tulong sa kanila ang boto.

Hindi naman nagbabago ang paninindigan ni President Ferdinand Marcos Jr. na huwag na lamang daw isulong ang impeachment laban kay Sara. Ayon kay Marcos, ma­laking abala lamang ito sa mga kinakaharap na problema ng bansa.

Kung hindi isusulong ang impeachment case kay Sara, paano malalaman kung saan napunta ang milyun-milyon pondo ng OVP at Department of Education at intelligence fund.

Hanggang ngayon nagpapatuloy ang imbestigasyon ng House quad committee at nababanggit pa rin ang pamil­yang Duterte.

Sa palagay ko, sa pamamagitan ng impeachment kay Sara nakasalalay ang tunay na kalinawan sa isyu ng mga hindi maipaliwanag na pondo. Kaya dapat manaig ang impeachment proceedings.

Sa kasalukuyan, tatlong impeachment complaints ang nakasampa sa House of Represenatatives. At  nalaman ko, meron pang pang-apat na isasampa sa sunod na linggo.

Subalit paano naman uusad ang impeachment kung ang katwiran ng mga  kongresista ay kulang na sa oras dahil malapit na ang midterm election. O baka naman talaga na takot silang mahusgahan ng dalawang religious group kaya usad pagong sa isinampang impeachment complaint.

Hindi kaya ganito rin ang pananaw ni PBBM kaya noon pa ay nagpahayag na huwag nang i-impeach si Sara dahil sayang lang daw ang oras.

Pero gusto ko matuloy ang impeachment para malaman ang katotohanan.

Show comments