NOONG Lunes, hinatulan ng Sandiganbayan 7th Division si dating Quezon City Mayor Herbert Bautista at kanyang dating city administrator Aldrin Cuna ng 10 taong pagkabilanggo dahil sa graft and corruption. Ayon sa Sandiganbayan, nagkasala ng graft sina Bautista at Cuna dahil sa ginawang pagbili ng Online Occupational Permitting and Tracking Systems noong 2019 na nagkakahalaga ng P32 milyon.
Noong 2022, hinatulan ng Sandiganbayan anti-graft court na mabilanggo si dating AFP Major General Carlos Garcia dahil sa direct bribery, money laundering, perjury, at paglabag sa articles of war ng General Court Martial ng AFP sa ilalim ng Article 210 ng Revised Penal Code.
Ang mga nabanggit na akusado ay ilan lamang sa mga government officials na nagkasala ng graft and corruption. Noon pa man, napakarami nang naakusahan ng katiwalian at nahatulang mabilanggo. At sa kabila na marami nang nahatulan, patuloy pa ring namamayani ang katiwalian sa pamahalaan. Hindi lamang mayor, army general, police officials kundi may mga senador din na inaakusahan ng katiwalian dahil sa paggastos ng pera ng bayan. Ang katiwalian sa pamahalaan ay mistula nang kanser na ngumangatngat sa lipunan na tila wala nang pag-asa pang gumaling.
Kamakalawa, inihain sa House of Representatives ang pagpataw ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng firing squad sa mga opisyal ng pamahalaan na mapapatunayan ng Sandiganbayan na nagkasala ng graft and corruption, malversation of public funds at plunder.
Ang panukalang batas (House Bill 11211-Death Penalty for Corruption Act) ay inihain ni Zamboanga 1st District Rep. Khymer Adan Olaso. Sa panukala ni Olaso, sakop lahat ng government officials, inihalal man o itinalaga sa executive, legislative, at judicial branch kasama ang mga constitutional commission, government owned and controlled corporation gayundin ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Ayon sa kongresista, bagama’t wala nang parusang kamatayan sa bansa sa ilalim ng Republic Act 9346, hindi naman daw maitatanggi ang negatibong epekto ng korapsyon kaya nararapat bigatan ang parusa laban sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.
Napakaganda ng panukalang ito na tamang-tama dahil maraming magnanakaw o mandarambong na public officials. Sana, makapasa ang panukalang ito. Kung makakapasa, tiyak na mauubos ang mga opisyal ng pamahalaan. Iilan na lamang ang mga halal ng bayan na tapat sa tungkulin. Isulong ang panukala ni Olaso.