SA unang araw ng pagbalik ni Donald Trump sa pagiging U.S. President, nilagdahan niya ang Executive Order na inaalis ang pagiging mamamayan ng U.S. kung ipinanganak doon.
Marami kaagad ang nabahala sa utos na ito. Marami nga naman ang naging mamamayan ng U.S. dahil ipinanganak nga roon. Kaya marami ang nagtanong kung apektado sila sa nasabing utos.
Kaya nagtanong din ako at ito ang aking pagkakaintindi.
Ang maaapektuhan umano ng bagong utos ay ang mga ipanganganak 30 araw matapos lagdaan ang utos. Kaya kung nilagdaan ng Enero 20, 2025, may 30 araw bago maging epektibo ang utos.
Kasama sa kundisyon ay kung ang parehong magulang ay hindi pa mamamayan ng U.S., kahit legal nang manatili doon o naghihintay pa ng green card.
Dapat isa sa magulang ay opisyal na mamamayan na ng U.S., may green card o miyembro ng U.S. military.
Apektado rito ay ang mga estudyante, turista, pansamantalang nagtatrabaho at mga dumadalaw sa kamag-anak. Kung sakaling manganak doon ay hindi na awtomatikong Amerikano na ang sanggol.
Kahit may papeles kang umaandar pero wala pang green card ay hindi ka itinuturing na mamamayan ng U.S. Natural kabilang na diyan ang mga iligal na nasa U.S., na target ni Trump noong kampanya.
May utos na rin siya hinggil sa pagtigil ng proseso ng mga nais pumasok sa U.S. mula Mexico. Kaya kung may planong manganak sa U.S. kahit turista lang, hindi na Amerikano kaagad ang sanggol. Gawain nga ito ng iba para magkaroon ng U.S. passport ang bata.
Marami ang nagsasabi labag daw ito sa Saligang Batas ng U.S. Kaya 22 estado ang kumilos na para harangin ang utos na ito. Nagsampa kaagad ng demanda laban sa nasabing utos.
Sa korte na naman ang labanan, na sigurado ay aabot sa U.S. Supreme Court na karamihan ng mahistrado ay kaalyado ni Trump. Kung tutuusin ay walang kapangyarihan ang sinuman na lumabag sa Konstitusyon.
Kung nais amyendahan ni Trump ang kanilang Saligang Batas ay mahabang proseso at boto ng karamihan ng mga mambabatas ang kakailanganin. Kaya tingnan na lang natin kung ano ang mangyayari sa U.S.
Napakaraming nilagdaang utos si Trump sa unang araw ng pagiging Presidente. Kabilang na rito ay pag-atras ng U.S. sa World Health Organization (WHO), pag-atras sa Paris Agreement na may kinalaman sa climate change, pagbawi ng murang gamot para sa lahat at marami pa.
Unang araw pa lang ‘yan.