MATAGUMPAY na naisagawa ng mga doktor mula sa William Beaumont Army Medical Center sa El Paso, Texas, ang kauna-unahang ear reconstruction at transplant sa kasaysayan ng Army.
Sa natatanging paraang ito, lumaki ang bagong taynga ng sundalong si Pvt. Shamika Burrage sa kanyang braso bago ito inilipat sa kanyang ulo.
Si Burrage, 21, ay na-involve sa isang malalang car accident noong 2016 habang nagmamaneho mula Mississippi patungong Fort Bliss, Texas.
Sumabog ang gulong ng kanyang sasakyan, dahilan para ito’y mag-slide nang 700 feet at magpagulung-gulong.
Nawala ang kaliwang taynga ni Burrage, bukod pa sa mga sugat sa ulo, compression fractures sa kanyang gulugod, at iba pang injuries.
Sa una, nagdalawang-isip si Burrage na sumailalim sa operasyong ito at plano sanang gumamit na lamang ng prosthetic ear. Pero matapos pag-isipan, napagtanto nito na mas mabuti na mayroon siyang tunay na taynga.
Ginamit ng mga surgeon ang cartilage mula sa kanyang tadyang upang lumikha ng bagong taynga. Ito’y itinanim muna sa ilalim ng balat ng kanyang braso upang mabuo ang mga bagong nerves na magbibigay ng pakiramdam sa taynga.
Pagkatapos nang mahabang proseso, inilipat ang taynga sa kanyang ulo.
Ayon kay Lt. Col. Owen Johnson III, head ng plastic and reconstructive surgery, ang layunin ng operasyon ay magkaroon ng tayngang may natural na hitsura at pakiramdam.
“Sa loob ng limang taon, hindi mapapansin ng iba na sumailalim siya sa operasyon,” sabi ni Johnson.
Bagamat kailangan pa ng dalawa pang operasyon, mas positibo na ang pananaw ni Burrage.
Ang natatanging pamamaraan na ito, na tinatawag na prelaminated forearm free flap, ay nagbibigay-daan upang maiwasan ang sobrang peklat at magkaroon ng artery, at nerves ang bagong taynga.
Ayon sa mga doktor, nararapat lamang na mabigyan si Burrage, bilang isang batang aktibong sundalo, ng pinakamahusay na reconstruction surgery.
“Hindi niya kailangang magtiis sa isang artipisyal na taynga.” dagdag ni Johnson.
Ang makabagong operasyong ito ay nagbibigay pag-asa hindi lamang kay Burrage kundi pati na rin sa iba pang nangangailangan ng parehong uri ng reconstruction.