^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Pagpasok nang maaga hindi solusyon sa trapik

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Pagpasok nang maaga hindi solusyon sa trapik

Iminumungkahi ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na gawing 7:00 a.m hanggang 4:00 p.m. ang pasok ng mga empleyado ng gobyerno sa Metro Manila. Ang mungkahi ay lumutang dahil sa lumalalang trapik sa maraming lansangan sa Metro Manila partikular na sa EDSA. Ayon sa MMDA, kung aagahan ang pagpasok at pag-uwi ng mga empleyado ng gobyerno, mababawasan ang mabigat na daloy ng trapiko. Ayon sa MMDA nasa kalahating milyon ang nagtatrabaho sa mga tanggapan ng gobyerno sa Metro Manila.

Masyadong mabigat na ang trapiko sa mga kalsada sa Metro Manila dahil sa volume ng mga sasakyan. Ayon sa MMDA noong nakaraang Disyembre, umabot na sa 464,000 ang mga sasakyang dumaraan sa EDSA. Dati ayon sa MMDA, 250,000 lamang ang mga sasak­yang bumubuhos sa EDSA subalit ngayon ay nadoble na ito.

Sinabi naman ni President Ferdinand Marcos Jr. nang interbyuhin kaugnay sa mungkahi ng MMDA na agahan ang pasok ng mga empleyado ng gobyerno, pag-aaralan ito kung pupuwede. Wala naman daw siyang nakikitang dahilan para sansalain ang mungkahi ng MMDA ukol dito. Kung kapaki-pakinabang daw ito ay bakit hindi subukan.

Grabe talaga ang trapik sa Metro Manila at ito ay matagal nang problema. Katunayan, pangsiyam ang Metro Manila sa pinakamatrapik na siyudad sa buong mundo, batay sa TomTom’s Traffic Index na inilabas noong Enero 2024. Ang iba pang siyudad sa Southeast Asia na grabe ang trapik ay ang Jakarta, Indonesia; Bangkok, Thailand; Kuala Lumpur, Malaysia at Singapore.

Ang pagpapaaga sa pagpasok ng government em­ployees ay hindi solusyon sa trapik. Kung aagahan ng pasok maaring makasabay din sa pagpasok ng mga nasa pribadong kompanya na ang oras ay 7:00 a.m. – 4:00 p.m. Marami nang private companies ang gumagawa nito noon pa.

Kaya walang magiging epekto ang mungkahi ng MMDA bagkus maaring lumala pa sapagkat magsa­sabay-sabay sa pagpasok at pag-uwi sa umaga. Parang ang nangyari, inilipat lang ang oras ng pagpasok at pag-uwi ng mga empleyado.

Pagsikapan na lang ng MMDA na isaayos ang tra­piko at nang hindi magkabuhul-buhol. Ang nangyayari, nag-uumpukan ang mga MMDA traffic enforcers sa isang lugar at hindi naisasaayos ang trapik. Nangyayari ito sa Commonwealth Avenue at QC Memorial Circle. Kastiguhin na lang ng MMDA chief ang kanyang mga tauhan para hindi magkabuhul-buhol ang trapiko. Hindi sagot ang maagang pagpasok at pag-uwi ng government employees.

MMDA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with