Teenage pregnancy

Problema ng bansa ngayon ang maagang pagbubuntis ng mga kabataan. Dumarami ang bilang ng mga batang babae na nasa dose anyos pa lang ay nabubuntis na dahil sa pre-marital sex.

Ito ang nagbunsod kay Sen. Risa Hontiveros na umakda ng bill para umano’y iwasan ito.

Pero nang mabasa ni President Bongbong Marcos Jr. ang balangkas ng bill, tahasan siyang nagalit at sinabing hindi niya malalagdaan ang panukalang humihikayat sa mga batang nasa gulang na apat na taon na mag-masturbate.

Hindi ko pa nababasa ang draft pero kung hindi nakapaloob sa bill ang “masturbation” bakit ganun na lamang ang adverse reaction in Bongbong? Iginigiit ni Risa na kahit basahin ng buong-buo, ni walang nakasulat sa bill na ganoong kataga.

Para sa akin, hindi dapat detalyadong sex education ang kailangang ituro sa mga paaralan. ‘Yun lamang pagmu­mulat sa kaisipan ng mga bata sa halaga ng responsableng pagpapamilya at sapat na. Ang unang-unang dapat magturo nito, sa pamamagitan ng halimbawa ay ang mga magulang.

Ngunit sa kasamaang palad, may mga pagkakataong mga magulang pa ang nagsisilbing panghikayat sa sariling mga supling na magkaroon ng free marital sex.

Hindi ko nilalahat pero may mga ina na ipinanganga­landakan pa na ayaw nilang mag-asawa at ang ibig ay ma­buntis lamang at magkaanak.

Usung-uso na ngayon ang casual sex. Nagkakilala nga­yon at nagkayayaang magtalik, at matapos ito’y babay.

Lubhang liberal minded na maging ang mga modernong babae at lalaki na hindi na pinapahalagahan ang kasal at pagpapamilya. Resulta, hindi natuturuan ng wastong aral ang mga bata.

Masyadong deteriorated na ang values ng tao. Iba na ang pagkakilala sa mabuti at masama.

Kaya panawagan sa mga magulang, ituro lang natin sa ating mga anak ang wasto at mawawala ang social problem na ito.

Show comments