Isang 40-anyos na lalaki sa Germany ang himalang nakaligtas matapos sumabit sa isang high-speed train na tumatakbo sa bilis na 175 miles per hour.
Ang insidente, na maihahambing sa eksena mula sa isang action movie, ay naganap habang ang lalaki ay sakay ng Intercity Express train na bumabagtas mula Munich patungong Lübeck, Germany.
Ayon sa ulat, tumigil ang tren sa Ingolstadt station kung saan nagdesisyon na panandaliang bumaba ang hindi pinangalanang Hungarian national na pasahero para manigarilyo.
Sa kasamaang-palad, natagalan siya sa kanyang yosi break, at bago siya makabalik, isinara na ang mga pinto ng tren.
Dahil dito, napilitang gumawa ng mapanganib na hakbang ang lalaki: tumalon siya sa bracket na nagdurugtong sa dalawang bagon ng tren.
Sa kabila ng panganib, nagpatuloy ang tren sa bilis na 175 miles per hour habang ang pasahero ay nakasabit sa labas nito.
Umabot ng 20 miles ang itinakbo ng tren hanggang sa may mga nakapansin sa kanya. Agad nilang inalerto ang mga awtoridad, at napahinto ang tren sa Kinding, Upper Bavaria.
Ayon sa ulat ng pulisya, isang opisyal na nakasakay sa tren ang tumulong sa pasahero at ligtas siyang ipinasok sa loob.
Sa kabila ng mapanganib na sitwasyon, hindi nagkaroon ng anumang injuries ang lalaki, bagay na itinuturing na isang himala.
Nang tanungin ang pasahero kung bakit niya ito ginawa, inamin nito na naiwan niya ang kanyang bagahe sa loob ng tren at ayaw niyang mawala ito.
Gayunpaman, natuklasan din ng mga awtoridad na wala itong valid na ticket, na nagdagdag pa sa kanyang kaso.
Sa kasalukuyan, iniimbestigahan ang pasahero para sa posibleng pagsasampa ng kaso dahil sa pag-abala sa operasyon ng tren. Ayon sa pulisya, maaari rin siyang masangkot sa ibang kaso dahil sa kawalan ng tiket.
Nagbigay naman ng babala ang mga awtoridad sa publiko hinggil sa ganitong klase ng mapanganib na aksyon. “Huwag ilagay sa panganib ang inyong buhay dahil lamang sa mga bagay na maaaring maayos sa mas ligtas na paraan,” ayon sa pahayag ng pulisya.
Pinayuhan ng mga awtoridad ang publiko na maging mas maingat at responsable, lalo na sa mga pampublikong sasakyan, upang maiwasan ang ganitong klaseng insidente.