Babae, nagbibihis lalaki para mas ligtas na makapag-jogging sa gabi!

ISANG babae sa Richmond, Virginia, U.S.A. ang nakahanap ng kakaibang paraan upang mapanatili ang kanyang kalig­tasan habang nagja-jogging.

Si Claire Wyckoff, 44, isang comedy writer, ay nagdesisyong magdamit lalaki upang makaiwas sa mga banta at pananakit habang nagja-jogging sa gabi.

Pagod na si Claire sa limitasyong mag-jogging lamang tuwing umaga o hapon. Matapos marinig ang kuwento ng asawa niya tungkol sa pag-eenjoy nito sa jogging sa gabi, napagpasyahan nilang mag-asawa na subu­kan ang ideya: magbihis siya bilang lalaki.

Bumili si Claire ng pekeng bigote, tattoo sleeves, wig, at panlalaking gym clothes. Ayon sa kanya, kapansin-pansin ang malaking pagbabago. “Walang lumalapit o nangungulit sa akin,” ani Claire. “Sa unang pagkakataon, nakaramdam ako ng kumpiyansa na mag-isa sa labas kapag gabi.”

Matagal nang nagja-jogging si Claire, ngunit ami­nado siyang hindi siya kailanman naging komportable sa gabi dahil sa takot sa potensiyal na panganib.

Bilang tugon, sinimulan niya ang kanyang eksperimento­, at idinokumento ito sa pamamagitan ng paggawa ng mga kuwelang video online.

Dagdag pa niya, ang karanasang ito ay dulot ng mas malalim na alalahanin tungkol sa kaligtasan ng kababaihan, lalo na pagkatapos ng presidential election noong 2016. “Ang takot na nararamdaman ng kababaihan kapag gabi ay isang seryosong isyu,” ani Claire.

Ngunit higit pa sa kaligtasan, nakita rin ni Claire ang kagalakan sa bagong routine na ito. Naging masaya siya sa pagbabalik ng kanyang interes sa jogging, at plano niyang ipagpatuloy ang “disguise.”

May paparating na goatee at piraso ng pekeng chest hair na dadagdag sa kanyang costume.

“Hindi ko alam kung naniniwala talaga ang mga tao na isa akong lalaki,” ani Claire, “pero ang mahalaga, nararamdaman kong ligtas ako at mas masaya ngayon.”

Sa kakaibang paraan ni Claire, muling nabuksan ang usapin tungkol sa kaligtasan at karapatan ng kababa­ihan, na nagpapakita na minsan, ang kakaibang solu­syon ay maaaring maging makapangyarihang hakbang.

Show comments