Tinatayang 215,000 ang Overseas Filipino Workers sa Kuwait at 60 percent ng mga ito ay nagtatrabaho bilang domestic workers. Ang Kuwait ang ikaanim na bansa na hantungan ng mga Pilipino para magtrabaho. Malaki ang naiaambag ng mga OFWs sa Kuwait sa ekonomiya ng bansa dahil sa dollar remittances. Tinatayang mahigit $100 milyon bawat taon ang remittances ng OFWs mula sa Kuwait. Malaking tulong para umusad ang kabuhayan ng bansa.
Subalit ang pagtatrabaho sa Kuwait ay masyadong delikado at maituturing na ang kalahati ng katawan ay nasa hukay. Napatunayan ito dahil sa sunud-sunod na pagkamatay ng mga Pinay domestic workers sa nasabing bansa. Mula 2016 hanggang sa kasalukuyan, ginulantang ang Pilipinas sa mga karumal-dumal na pagpatay kung saan pawang Pinay workers ang biktima.
Nagkasundo ang Pilipinas at Kuwait sa proteksiyong ipagkakaloob sa OFWs. Nagkaroon ng paglagda na pangangalagaan ng Kuwait ang karapatan ng OFWs particular na ang domestic workers.
Subalit ang kasunduan ay hindi natupad ng Kuwait. Nagpatuloy ang mga karumal-dumal na pagpatay na ang pinakabago ay ang ginawa kay Dafnie Nacalaban na ang bangkay ay natagpuan sa bakuran ng isang bahay noong Enero 2.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, dalawang buwan nang nawawala si Dafnie nang matagpuan ang bangkay. Ang itinuturong pumatay ay si Jarrah Jassem Abdulghani, amo ni Dafnie. Hawak na umano ng Kuwait police ang suspect. Nanilbihang household worker si Dafnie noong Disyembre 2019.
Sumunod na namatay sa Kuwait ay ang Pinay na si Jenny Alvarado na namatay dahil nakalanghap ng usok mula sa uling na ginagamit sa pinagtatrabahuhan. Ang nakahihindik, nang ipadala ang bangkay ni Jenny noong nakaraang linggo, maling bangkay ang naipadala—sa kasamahang Nepalese na namatay din sa suffocation. Nakarating na ang tamang bangkay ni Jenny noong Sabado. Sabi ni Cacdac, paiimbestigahan ang pagkakamali sa pagpapadala ng bangkay ni Jenny.
Ang dalawang magkasunod na pangyayari ang naging dahilan para pag-aralan ng DMW ang pagbabawal sa pagpapadala ng OFWs sa Kuwait. Sabi ni Cacdac, ipinagbigay-alam na niya kay President Ferdinand Marcos Jr. ang mga nangyari at ang mungkahi niyang deployment ban sa Kuwait.
Noon pa, marami nang panukala na itigil nang tuluyan ang pagpapadala ng OFWs sa Kuwait subalit hindi umaaksiyon ang pamahalaan. Marami nang karumal-dumal na nangyari sa Pinay workers subalit hindi mapahinuhod ang gobyerno. Nanghihinayang sa kikitaing dollar ng OFWs. Ngayon, sa nangyaring pagpatay kay Dafnie, magpapatuloy pa kaya sa pagpapadala ng workers sa Kuwait?