Australia ginagantso, ginugulo rin ng China
Malakas at mayamang bansa ang Australia. Moderno ang militar, industriya at minahan. Mas masiglang hamak ang ekonomiya kaysa atin.
Pero tulad ng ginagawa nito sa Pilipinas, ginagantso at ginugulo rin ng Communist China ang Australia.
Nailuklok ng Beijing si Guo Hua Ping alias Alice Guo bilang mayor ng munting bayan ng Bamban, Tarlac. Nakapagtayo siya ng POGO, halagang P6.2 bilyon. Mayroon siyang pekeng Filipino birth certificate.
Dahil du’n nakabili siya ng lupa, helicopter at sports cars; nakapagrehistro ng negosyo; nakapag-espiya. Anak siya ng mataas na opisyal ng China Communist Party sa Fujian province.
Nakapagluklok ang CCP ng federal member of parliament (MP) sa Australia. Hinalal si Gladys Liu sa Victoria State. Nu’ng 2003-2015 miyembro si Liu ng China Overseas Exchange Association, sangay ng United Front Work Department ng CCP.
Misyon ng UFWD impluwensiyahan ang mga dayuhang gobyerno at opisyales. Sa pamamagitan ng Chinese businessmen sa Australia, sinuhulan ng UFWD ang mga kasapi ng Liberal Party ni Liu.
Binili ng CCP si Daryl Maguire, Liberal Party MP ng New South Wales. Naging nobya niya si state premier Gladys Berejiklian. Ang mga kilos ng kanilang partido ay puro maka-Beijing.
Pinayagan ng Northern Territory ang kumpanyang Landbridge China na patakbuhin ang pier sa Darwin. Pinakamalaking lungsod ang Darwin sa hilaga-kanlurang Australia.
Nabuwisit ang U.S. dahil katabi ng Landbridge ang isang U.S. Naval base. Kayang isabotahe o harangin ng barkong Landbridge ang U.S. warships sa kabilang kanto.
Mas kayang bilhin ng CCP ang mga mambabatas natin.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest