Nagulantang ang mga lokal na opisyal ng maliit at tahimik na bayan ng Thiberville sa Normandy, France, matapos nilang matuklasan na pinamanahan sila ng yumaong Parisian na si Roger Thiberville ng $10.2 million (mahigit P570 million).
Ayon sa ulat, hindi kailanman bumisita si Roger Thiberville, 91, sa bayan na pinagmulan ng apelyido ng kanyang pamilya. Sa kabila nito, pinili niyang ipamana ang kanyang ari-arian sa Thiberville, isang bayan na may populasyon lamang na 1,773.
Ang halaga ng pamana ay limang beses na mas malaki sa taunang budget ng bayan. Nangako ang mayor na maingat nilang gagamitin ang yaman sa mga proyekto para sa komunidad.
Una sa listahan ng kanilang plano ay ang pagbabayad ng utang sa banko na nagkakahalaga ng mahigit $400,000, na ginamit sa pagpapatayo ng bagong paaralan.
Bukod dito, nais din nilang magtayo ng public garden, isang boules court, at football pitch.
Humiling lamang si Thiberville na ang kanyang mga abo ay ilibing sa sementeryo ng bayan, bagay na malugod namang tinanggap ng lokal na pamahalaan bilang pasasalamat.
Si Thiberville, na dating meteorologist at nanirahan ng isang simpleng buhay sa Paris, ay namana ang kanyang mga ari-arian mula sa pamilya.
Bagama’t walang espesyal na kaugnayan sa bayan, na kilala lamang sa lumang pabrika ng ribbon, ipinakita niya ang kanyang kabutihang-loob sa mga mamamayan nito.
Para sa bayan ng Thiberville, ang yaman na iniwan ng estrangherong Parisian ay tiyak na magbibigay ng bagong sigla sa komunidad, isang biyayang mag-iiwan ng pangmatagalang epekto sa kanilang buhay.
Pinamanahan ni Roger Thiberville (kanan) nang malaking pera ang lugar na pinagmulan ng kanyang pamilya.